Pumanaw ngayong Sabado ang beteranong komedyanteng si Gary Lising, sa edad na 78.
Ito ang kinumpirma ngayong Sabado ng kapatid niyang si Pompeii, sa isang Facebook post.
“I am sad to inform some terrible news. We lost our beloved Gary Lising, my eldest brother, today. Gary, thank you for all the laughs and love, we will miss you deeply. But I know that your jokes will make God laugh. Rest in Peace my dear brother…” post ni Pompeii.
Walang ibinigay na detalye tungkol sa ikinamatay ni Gary.
Hindi naman lingid sa lahat na matagal nang may sakit sa puso si Gary, at inatake pa nga siya sa puso noong 2009.
Naulit ang insidente noong 2012, at sumailalim pa si Gary sa angioplasty.
Nagpaabot na ng pakikiramay at pagluluksa ang ilang celebrities para kay Gary.
Dekada ’80 nang sumikat si Gary dahil sa kanyang pagpapatawa at hanep na punchlines.
Naging regular siya sa comedy show na Champoy, at napanood din sa mga pelikulang Wander Woman Si Ako, Erpat Kong Forgets, at Payaso.
Huli siyang napanood sa pelikulang Ibong Adarna: The Pinoy Adventure noong 2014.
Neil Ramos