Sampung taong makukulong ang isang dating alkalde ng Cavite kaugnay pagpapahintulot nito sa isang water filtration plant na magsagawa ng ground clearing at excavation activities sa kabila ng mga paglabag nito sa ilang regulasyon ng munisipyo, noong 2012.

GUILTY (21)

Ito ay nang mapatunayan ng 4th Division ng anti-graft court na nagkasala si dating Indang, Cavite Mayor Bienvenido Dimero sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Bukod sa pagkakapiit, pinagbawalan na rin ito ng hukuman na magtrabaho sa pamahalaan.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Ang kaso ay nag-ugat nang pahintulutan ni Dimero ang PTK2 H20 Corporation na magtayo ng kanilang water filtration plant sa ibabaw ng Ikloy River sa Kayquit II, Indang, sa nasabing lalawigan, noong Hulyo 2012.

Pinayagan din ni Dimero ang kumpanya na magsagawa ng ground-clearing, excavation at water pipeline-laying activities sa kabila ng hindi nito pagsunod sa batas.

Natuklasan sa paglilitis na alam ng dating alkalde ang operasyon ng naturang kumpanya kahit wala itong permit sa munisipyo.

Sinabi ng korte, hindi man lamang gumawa ng kaukulang hakbang si Dimero upang ipahinto ang operasyon ng kumpanya.

"Even if, as he insists, he only came to know about the construction activities being undertaken by the corporation sometime in 2013, still, it does not detract from the fact that, in spite of the abovementioned powers granted by law for him to do so, he has failed to perform his duties as municipal mayor to prevent the corporation," ayon pa sa desisyon ng korte.

-Czarina Nicole Ong Ki