Utas ang isang Abu Sayyaf Group (ASG) terrorist habang sugatan ang apat na iba pa sa panibagong bakbakan sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at terorista sa Sulu, nitong Lunes.
Sa ulat mula sa Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-WestMinCom), abala ang mga sundalo sa military operation nang makaengkuwentro ang mga miyembro ng Abu Sayyaf sa Barangay Sandah, Patikul, bandang 3:30 ng hapon.
Sinasabing ang mga militante ay nakapailalim kay ASG leader Mundi Sawadjaan.
Tumagala ang engkuwentro ng limang minuto, at walang nasaktan sa panig ng pamahalaan.
Narekober ng tropang nagsagawa ng clearing operation ang mga backpacks ng ASG members, na nagawang makatakas sa pinangyarihan.
Habang isinusulat ito, nagpadala ng karagdagang mga tropa sa lugar upang magsagawa ng pursuit operations laban sa mga kalaban.
-Francis T. Wakefield at Fer Taboy