Inilarawan ngayong Biyernes ni Senate President Vicente Sotto III na "fools" ang mga naniniwala sa pahayag ni Peter Joemel Advincula laban sa pamilya ni Pangulong Duterte at ilang pulitiko.

BIKOY_ONLINE

"Nakita naman nila 2016, lumapit na sa akin 'yan, 'di ko pinatulan, eh. Ewan ko kung sino itong mga tangang pumatol eh. 'Di ba. Dinala pa sa IBP," sinabi ni Sotto sa panayam sa DZMM.

Tinuligsa rin ng Senate chief ang mga miyembro ng oposisyon na unang hiniling na imbestigahan ang pamilya ng Pangulo sa illegal drug trade, base sa paratang ni Bikoy.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

"'Yong opisyal ng isang partido, noong tinitira si Paolo Duterte, sabi dapat ilagay sa Witness Protection Program (WPP). Ngayon, huwag daw paniwalaan," aniya.

Nag-tweet din siya nitong Huwbes: "Hindi ba may pulitiko nagsabi dapat daw imbestigahan mga sinasabi niyan? Nasaan na 'yun?" tanong ni Sotto.

Una nang pinaiimbestigahan ng opposition senators ang mga alegasyon ni Bikoy, kahit pinabulaanang may kinalaman sa kontrobersiyal na "Ang Totoong Narco List" videos.

"Ang pinakamaganda, para paniwaalaan siya, maglabas ka ng pruweba. Ilabas mo yung pruweba mo. Katulad ng sino nagdala sayo sa IBP, anong oras, kailan -- 'yong mga ganon. Sino ang kumausap sayo, kung may kumausap man sayo, bigyan mo kami ng date, time and place, hindi lang yung pangalan," ani Sotto.

"Kausap daw si Sen. Trillanes, ilang beses? Bigyan mo kami ng date, time, and place para mapatunayan 'yon, then paniniwaalan ka. Hindi yung puro kwento lang," dagdag niya.

TUMAAS BP, NAOSPITAL

Isang araw matapos niyang sumuko, isinugod si Bikoy sa Philippine National Police (PNP) General Hospital sa Camp Crame, Quezon City, kahapon.

Ayon kay Police General Oscar Albayalde, hepe ng PNP, idinaing ni Advincula ang pagkahilo nang pumalo ang kanyang blood pressure (BP) sa 130/90.

"Based from the feedback that I got, his BP shot up and he said he was feeling dizzy so we admitted him to the hospital. Probably, he also needs rest," sabi ni Albayalde.

"The doctors are still evaluating if he may now be released," dagdag niya.

Nilinaw ni Albayalde na hindi nila binibigyan ng special treatment si Advincula nang dalhin sa PNP hospital.

"It's risky to admit him outside. Why admit him at a different hospital and assign a security detail for him when we have our own facility?" tanong ng PNP chief.

Kung may permiso si Advincula na ilabas sa ospital o hindi, sinabi ni Albayalde na mananatili ito sa kanilang kustodiya dahil sa kinakaharap na mga kaso.

Nahaharap si Advincula sa large-scale illegal recruitment at estafa.

-Vanne Elaine P. Terrazola, Leonel M. Abasola, at Martin A. Sadongdong