BACOLOD CITY – Patay ang isang 37-anyos na lalaki matapos saksakin ng asawa ng lover nito sa Barangay Cabacungan, La Castellana, Negros Occidental, kamakailan.
Ang biktima na binawian ng buhay sa pinangyarihan ng insidente ay kinilala ng pulisya na si Mico Carmona, 37, ng nasabing lugar.
Kaagad na sumuko sa mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Ronel de Ramos, 45.
Binanggit ng imbestigador na pauwi ang biktima nang abangan ito ng suspek.
Matapos saksakin sa dibdib, agad na tumakas ang suspek.
Inihayag ng imbestigador na hindi sinaktan ng suspek ang misis nito na kasama ni Carmona nang maganap ang krimen.
Sumuko rin sa mga awtoridad si De Ramos matapos ang dalawang oras.
Sinabi ng pulisya, magkarelasyon umano ang biktima at ang asawa ng suspek mula nang maghiwalay ang mag-asawa isang taon na ang nakararaan.
Inihahanda na ang kasong murder laban sa suspek na nasa kustodiya na ng mga awtoridad.
-Glazyl Masculino