Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
3:30 n.h. -- UST vs Ateneo
SINO ang bibigay? Kaninong kampo ang magdiriwang?

BALINTONG! Napatambling ang player ng Ateneo sa paghahangad na ma-saved ang bola pabalik sa karibal na UST sa Game 2 ng UAAP women’s volleyball championship, habang masayang ibinida ni Sisi Rondina ng UST (kanan) ang MVP trophy. (RIO DELUVIO)
Kapwa determinado at handa sa hamon, tutuldukan ng University of Santo Tomas Tigresses at Ateneo Lady Spikers ang pahina ng kasaysayan sa UAAP Season 81 women’s volleyball sa ‘so-or-die’ title match ngayon sa MOA Arena.
Ganap na 3:30 ng hapon ang bakbakan ng dalawang tropa na itataya ang lahat maging pamato’t panabla para sa kampeonato.
Nagawang maitabla ng Ateneo ang best-of-three title series sa determinadong panalo sa Game 2.
Nakakuha ng bentahe ang Lady Spikers sa posibleng hindi paglalaro niRookie of the Year Eya Laure na nagtamo ng injury sa third set ng laban.
“Come back stronger talaga. Akala ko nga rin last game ko na. Hindi pala. Na-extend pa ‘yung pagiging Golden Tigress ko. Thankful pa rin kasi hindi ganoong kalala ‘yung nangyare kay Eya. Alam kong babawi kami. It’s just a bad game,” pahayag ng graduating skipper ng UST at ng Season MVP na si Sisi Rondina.
“Hindi ko na papalagpasin. Sabi nga whatever it takes, hangga’t kaya , push na lang talaga hanggang matapos ‘yung liga na ‘to.
Gaya ni Rondina, sa kabila ng iniindang injury, hindi rin bumibitaw sa kanyang naunang pangakong gagawin lahat ng kanyang makakaya si Laure.
“Maraming nagmo-motivate sa akin at sinasabi na pagsubok lang ‘to na hindi dito natatapos eh. Kasi nga may Game 3 pa ‘di ba?” ani Laure.
“Para sa akin, pagsubok lang ‘to na dapat lagpasan para manalo, pagsubok lang ‘to na dapat malagpasan para makamit ‘yung gusto mong makuha and for me naman babangon at babangon talaga kami and hindi ako susuko ng ganun-ganon lang,” dagdag nito na tinutukoy ang natamong sprain sa kaliwang paa noong Game 2.
Sa kabilang dako, nananatili naman ang pagtitiwala ng Lady Eagles sa isa’t-isa at ang pagpapahalaga sa larong napamahal na sa kanila.
“We’re going to Game Three with grateful hearts, with happy hearts, with love for each other and love for the game that we really, really so love. And of course trust in each other and the Lord,” pahayag ni Lady Eagles co-captain Bea de leon.
“We will just keep the faith and keep the momentum up,”pagsegunda naman ng kanilang coach na si Oliver Almadro.
Bukod kina Rondina at Laure, sasandigan ni coach Kungfu Reyes na mamuno upang mawakasan ang title drought ng UST sina Dimdim Pacres, Caitlyn Viray, rookie Ysa Jimenez at Alina Vicar.
Para naman sa Ateneo, aasahan ni Almadro para makatulong ni de leon sina Maddie Madayag, Kat Tolentino, Deanna Wong, Dani Ravena at Jules Samonte.
-Marivic Awitan