NAGTUNGO na ba kayo sa isang sangay ng Land Transportation Office (LTO) upang makipagtransaksiyon?
Marahil ay iba’t ibang reaksiyon ang ating maririning kung dito nakatutok ang ating talakayan.
Hindi na bago sa atin na ang LTO ay paboritong ‘punching bag’ ng mga kritiko.
Masisisi ba natin ang mamamayan kung walang tigil ang pagbatikos sa ahensiya na ito?
Ilang administrasyon na ang dumaan subalit hanggang ngayon, umaasa pa rin tayo ng pagbabago sa LTO.
Iba’t ibang propesyunal ang nanungkulan bilang lider ng LTO. Ngunit nitong mga nakaraang taon, karamihan ng mga naupong LTO chief ay mga retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP). Sa kasalukuyan, ang tumatayong hepe ng ahensiya ay si retired Police General Edgar Galvante.
Matagal nating nasubaybayan ang career ni Assistant Secretary Galvante noong ito ay aktibo pang pulis.
Mapagkumbaba, matalino at marangal na tao si Assec Galvante.
Hindi tulad ng mga nakaraang LTO chief, si Assec Galvante ay bukas sa mga suhestiyon na alam niyang makatutulong sa pagpapabuti ng serbisyo ng ahensiya.
Kilalang masipag na kawani ng gobyerno rin si Galvante.
Subalit sa kanyang tatlong taong panunungkulan, nawala na ba talaga ang mga kawatan sa LTO?
Subukan n’yong magparehistro ng sasakyan o mag-renew ng lisensiya at mapapailing kayo sa kaliwa’t kanang katiwaliang nagaganap sa mga sangay nito.
Kung isasalang ninyo ang inyong sasakyan sa emission testing, huwag na kayong magulat kung bakit babagsak ang sasakyan ninyo sa prosesong ito sa kabila na bago pa ang inyong unit.
Nakapaskil sa dingding ng emission testing center na katabi lamang ng LTO office na 10 minuto dapat tumatakbo ang makina ng sasakyan upang mabatid kung lagpas sa itinakdang emission standard ang ibinubugang usok nito.
Sa ating obserbasyon, wala pang dalawang minuto ay ipinapapatay na ng mga emission technician ang makina.
At bigla na lang nitong sasabihin na bagsak ang inyong kotse sa emission testing bagamat hindi naman nito maipaliwanag nang mahusay kung bakit hindi ito nakapasa.
Habang nagkukumahog kang intidihin ang mga numero sa emission testing machine, bigla na lang bubulong ang technician sa iyo: “Sir, maaayos naman natin ‘yan.”
At dahil sa tagal mong nakapila sa testing center, malaki ang tyansa na bibigay ka sa alok ng technician na aregluhin na lang siya upang pilipitin ang resulta ng proseso.
Sa isang mesa malapit sa cashier ng emission testing center ay isang may kahon kung saan kinukuha ang numero ng mga aplikante.
Doon ingunguso ng technician sa motorista na ilagay ang ‘padulas.’
-Aris Ilagan