Dismayado si Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon sa tinawag niyang pinakamalalang insidente ng vote-buying para sa eleksiyon ngayong Lunes, at naniniwala ang isang poll watchdog na dapat na papanagutin ang mga taong namimili ng boto.

Comelec Commissioner Rowena Guanzon

Comelec Commissioner Rowena Guanzon

Ayon kay Guanzon, ito na ang “worst vote-buying” na kanyang nakita, dahil kada pamilya na umano ang bilihan ng boto.

“This is the worst vote-buying—they buy votes per family. This has corrupted our family value system and must be stopped!” tweet ni Guanzon.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Sa panig naman ng poll watchdog na Legal Network for Truthful Elections (LENTE), iginiit nito na dapat na mapanagot at mapatawan ng criminal sanctions ang mga taong sangkot sa pamimili ng boto.

“It must be ensured that cases must be filed and that they must lead to penal or criminal sanctions,” anang LENTE.

“It must be then affirmed that the right process under the law must be followed when it comes to the enforcement and arrest proceedings,” dagdag pa nito.

Una nang kinumpirma ng Comelec na kakaunti lang ang naitalang insidente ng mga election-related violence ngayong taon, ngunit inaming mas marami ang vote-buying incidents na nai-report sa kanilang tanggapan.

Tiniyak naman ng Comelec na paiimbestigahan nila ang mga naturang insidente, at papanagutin ang mga sangkot dito.

Alinsunod sa itinatakda ng batas, ang sinumang mapatutunayang sangkot sa pamimili ng boto ay maaaring mabilanggo ng mula isa hanggang anim na taon, maharap sa diskuwalipikasyon sa paghawak ng anumang puwesto sa gobyerno, at aalisan pa ng karapatang makaboto.

-Mary Ann Santiago