IKA-13 ngayon ng Mayo. Mahalaga ang araw na ito sa mga Pilipino sapagkat idaraos ang midterm elections. Ito ay makasaysayan sapagkat gagamitin ng mamamayan ang kanilang karapatan sa pagboto.
Pipiliin at ihahalal ang mga kandidato na makatutulong sa pag-angat ng bansa. Susugpo sa hindi maputol na katiwalian sa pamahalaan, na nagiging sanhi ng kahirapan. Susugpo rin sa patuloy na paglaganap ng ilegal na droga.
Natapos nitong ika-11 at 12 ng Mayo ang kampanya ng mga kandidato. Sa kampanya, iba’t ibang paraan ang ginawa ng mga wannabe. Umaga at hapon, lumibot sa mga bayan. Sakay sa sasakyan at nagpapatugtog ng mga political jingle.
Ngayong halalan, inaasahang iboboto ng ating mga kababayan ang mga kandidatong sa paniwala nila ay maglilingkod nang tapat, maayos at maasahan. Ito ay binubuo ng 12 senador, congressman, governor, vice governor at miyembro ng Sanggunian Panlalawigan. Sa mga bayan naman at siyudad ay mayor, vice mayor, miyembro ng Sanggunian Bayan; city mayor, vice mayor at mga miyembro ng Sanggunian Panlungsod.
At sa araw na ito, ang bawat partido at mga kandidato ay may pinili nang mga tauhan na nakadestino at nakabantay sa mga presinto. Sila ang kanilang mga “watcher”. Sa kanilang mga kasuotan, headcap at sombrero, makikilala ang kanilang mga kandidatong sinusuportahan. Gayundin, ang iba pang supporter ng mga wannabe na nasa polling places.
Bukod sa nabanggit, karaniwan tanawin din ang naglipanang tauhan ng bawat partido. Mga batang babae at lalaki. Nag-aabot ng mga sample ballot ng kanilang partido.
At dahil sa dami ng inaabot na mga sample ballot sa mga botante, nagkakaroon ng maraming kalat sa bukana at paligid ng presinto.
Mahalaga sa bawat Pilipino ang halalan. Umaasa ang bawat isa na nakilatis nang mabuti ang mga kandidato. Sa dikta ng konsensiya, pipiliin at iboboto ang mga kandidatong matapat. Tutulong sa pag-angat sa kahirapan.
Ngayong Mayo 13, tungkulin ng bawat Pilipino na gamitin ang nasabing karapatan.
Hindi pipiliin ang mga pinunong sakim na mariing parusa ng langit sa bayan. Huwag sanang magkamali ng pagboto ang ating mga kababayan. Makonsensiya at patnubayan ng Poong Maykapal. Ang pagboto sa masasamang pinuno at mga kandidato ay parang pagkuha na rin ng bato at ipinukpok sa ulo ng mga botante.
-Clemen Bautista