Dear Manay Gina,

Kamakailan ay nakumpirma kong silahis ang aking mister. Katunayan, nagkaroon pala siya ng relasyon sa isa naming kumpare, na may mga anak na kaibigan din ng aming mga anak.

Sampung taon na kaming kasal at marami na akong nadidinig na ganoong balita tungkol sa kanya subalit ipinagkibit-balikat ko lamang ang mga ito. Pero ngayong nakumpirma ko na ang tsismis, masyado akong apektado.

Nahihiya akong humarap sa ibang tao na nakakaalam sa kanyang pagkatao. Nagdadahilan na rin ako upang hindi sumiping sa kanya. Mahal ko siya bilang ama ng aming mga anak subalit hindi ko kayang tanggapin ang aking natuklasan. Ano ang dapat kong gawin tungkol sa bagay na ito?

--Doble Cara

Dear Doble,

Hindi mo kailangang mag-imbento ng dahilan para makaiwas sa pagsiping sa kanya. Some pretenses are not worth making, and you should cut to the chase sooner rather than later.

Tuldukan mo na ang iyong problema sa pamamagitan ng pagtatapat sa kanya ng iyong nalalaman. Asawa mo siya at wala kang dapat ipaglihim. Siya rin ang pangunahing sanhi ng iyong problema kaya marapat lamang na alam niya ito.

Idulog n’yo ito sa inyong pastor o pari at sa isang marriage counselor, upang ganap na mahimay ang bawat isyu sa problema.

Gayunman, may mga bagay na ikaw lamang ang makapagpapasya, at ang iyong desisyon ay nakasalalay sa gagawin mong pagtanggap o pagtanggi sa mga bagong reyalidad sa inyong buhay.

Matatanggap mo ba siya kung ganap niyang tatalikdan ang pagiging silahis, alang-alang sa inyong pamilya? Paano n’yo ipapaliwanag sa inyong mga anak ang mga pangyayari? Maninindigan ka ba para sa kanya, sa bagong simula ng inyong buhay kapag siya ay nagbago? Handa ka bang kalimutan ang kanyang nakaraan? Anu’t anoman, piliin n’yo ang pagharap sa katotohanan. There is no upside to living a lie. Good luck.

Nagmamahal,

Manay Gina

“You never find yourself until you face the truth.”--- Pearl Bailey

Ipadala ang tanong sa [email protected]

-Gina de Venecia