MATAPOS ang mga political caucus ng mga sirkero at payaso sa pulitika o ng mga wannabe ngayong 2019, ang ika-11 ay napakahalaga sapagkat huling araw ng kanilang kampanya. Ngayong araw ibubuhos nang todo ang kanilang pangangampanya. Magsasanib-puwersa ang iba’t ibang grupo, at sa pangunguna ng kanilang political leader ay gagawa na ng huling plano upang matiyak ang tagumpay sa idaraos na halalan sa Lunes, Mayo 13.
Bahagi ng political campaign ang masayang motorcade. Sakay sa kani-kanilang sasakyan, abot hanggang tenga ang kanilang ngiti, kasabay ng pagkaway. Ilan sa ating mga kababayan ay hindi napipigilang pumalakpak kapag kinawayan at nginitian ng mga wannabe.
Ito ay karaniwang tanawin tuwing huling araw ng kampanya. Ang nasabing motorcade ay pinaniniwalaang nakatutulong upang mahikayat ang mga botante. At sa panahon ng kampanya, nalalantad kung sinu-sino sa mga sirkero at payaso ang masalapi. Mapapansin ang kanilang mga infomercial at political jingle sa radyo at telebisyon. Makukulay din ang kani-kanilang mga tarpaulin na nakasabit sa bahay ng mga kakampi sa pulitika, sa mga bakod na pader, tindahan, at palengke. May mga tarpaulin din ng mga sirkero at payaso sa tapat ng chapel ng mga sekta ng relihiyon.
Ilan naman sa ating mga kababayan ay kinukuha ang mga tarpaulin at ginagawang pantabing sa bintana upang ipanangga sa sikat ng araw.
Bahagi rin ng kampanya ang house-to-house campaign. Pinapasok nila ang mga looban, namimigay ng mga leaflet na kinapapalooban ng mga larawan at pangalan ng mga kandidato. Ang ibang kandidato ay sumasama at pinapasok ang mga bahay at kinakamayan ang lahat ng mga botante.
Kapansin-pansin din na biglang dumarami ang mga indigent, sinasamantala ang mga kandidato. Gayunman, nagpapasalamat ang marami nating kababayan sapagkat buhay ang DEMOKRASYA sa Pilipinas. Napapalitan ng ating mga kababayan ang mga pulitikong sinungaling, ganid, tuso at ang sinasabi ni Francisco Balagtas na mga mariing hampas ng langit sa bayan.
Ang halalan ay pagkakataon na sipain ang mga abuso sa tungkulin, ang mga nagpayaman, tulisan at mandarambong. At para naman sa matitino, matatalino, matatapat at masisipag maglingkod, maipagpapatuloy nila ang kanilang mahusay na paglilingkod
-Clemen Bautista