Dear Manay Gina,
Ang problema ko ay tungkol sa aking mister na naging tamad at nawalan ng ambisyon mula nang matanggal sa trabaho, matapos akong makapagsilang. Sa kasalukuyan, ako ang bumuhuhay sa aming pamilya habang siya naman ang naiiwan sa bahay upang mag-alaga sa aming anak.
Mula nang matanggal sa trabaho ay hindi na siya naghanap pa ng iba. Sa halip ay puro mga part-time jobs na lamang ang kanyang inaatupag. Ang ibang panahon niya ay ginugugol sa pakikipaglaro sa aming anak at pagko-computer habang ako ang aligaga sa trabaho. Mahal ko ang aking mister pero talagang frustrated ako sa kawalan niya ng ambisyon. Ano ang dapat kong gawin para magbago siya?
--Frustrated
Dear Frus,
Karaniwan sa mga lalaking nawalan ng trabaho, lalo na’t may edad na, ang makadama ng matinding pagkabigo na nauuwi sa depresyon. He may be feeling a sense of worthlessness.
Ngayon niya kailangan ang iyong suporta, pasensiya at pang-unawa. Malamang na matinding depresyon ang dahilan kaya siya nawalan ng ganang maghanap-buhay. Idagdag pa rito ang katotohanan na talagang mahirap humanap ng regular na trabaho ang may edad na.
Kung ayaw niyang pakinggan ang pangungulit mo, hikayatin mo siyang makipagtulungan sa isang counselor upang malunasan ang kanyang depresyon at manumbalik muli ang kanyang determinasyon. Huwag ka ring magsawa sa pagpapaalala na marami pa siyang choices sa buhay. Kung tutusin nga, mas malaki pa ang tsansang umunlad ng isang tao, kapag wala sa opisina, dahil mas independent at may kalayaan sa pagnenegosyo.
Nagmamahal,
Manay Gina
“No person was every rightly understood until they had been first regarded with a certain feeling, not of tolerance, of sympathy.”---- Thomas Carlyle
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia