MAY kilabot na gumapang sa aking kamalayan nang matanggap ko ang nakapanlulumong balita; Dalawang kapatid natin sa pamamahayag ang halos magkasabay na yumao ilang araw lamang ang nakalilipas. Si Dr. Anselmo ‘Elmo’ Roque ay nakaburol sa chapel ng Central Luzon State University (CLSU) sa Muñoz, Nueva Ecija samantalang si Jose ‘Joe’ Palmiery ay pinaglalamayan sa Lucena City, Quezon.

Sina Elmo at Joe, tulad ng tawag sa kanila ng ating mga kapatid sa propesyon, ay kapuwa naging bahagi ng pahayagang ito sa panahon ng ating pamamatnugot. Si Elmo ay isang kolumnista; si Joe ay news at feature writer; pareho silang sumusulat sa Liwayway, ang kapatid na magasin ng pahayagang ito. Hindi marahil isang kalabisang banggitin na kami ay pawang mga octogenarian na.

Bukod dito, sila ay hindi lamang maituturing na haligi ng peryodismo sa ating bansa kundi kinilala rin sila bilang mga literary writers; sumabak sa iba’t ibang anyo ng panitikan, tulad ng tula, sanaysay, maikling kuwento, nobela at iba pa.

Si Elmo, halimbawa, ay nagtamo ng katakut-takot na karangalan sa iba’t ibang literary at writing competition, tulad ng Palanca Memorial Awards for literature, Philippine Agricultural Journalists (PAJ) Binhi Awards, at iba pa. Dahil sa kanyang halos sunod-sunod na pagwawagi sa naturang mga paligsahan, ginawaran siya ng Hall of Fame Awards. Tumigil sa paglahok sa kompetisyon at iniukol na lamang ang panahon bilang propesor sa CLSU hanggang sa siya ay magretiro.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang relasyon namin nina Elmo at Joe ay hindi natapos bilang kapuwa mga miyembro ng tinatawag na Fourth Estate. Si Elmo, halimbawa, ay itinuturing kong isang kapatid, katunayan, ‘Utol’ ang aming tawagan. Pareho kaming isinilang sa Zaragosa, Nueva Ecija. Halos magkasabay na nagsulat sa iba’t ibang pahayagan at magasin; at kapuwa nasanay sa pagtanggap ng ‘rejection letter’ kapag ang aming sinulat ay hindi nakatutugon sa panlasa, wika nga, ng mga editor.

Maaring nagkataon lamang, subalit sabay din kaming ginawaran ng Lifetime Achievement Award ng PAJ/SMC kamakailan; kasama ang iba pang senior journallists na sina Joaquin Espina at Zacarias Sarian. Noon naulit ang aming pagniniig at pagpapalitan ng medical notes dahil sa taglay naming mga karamdaman, pareho na kaming naka-baston noong gabi ng parangal.

Bago kami maghiwalay nang gabing iyon -- siya ay pauwi sa Nueva Ecija samantalang ako ay patungong Quezon City -- halos pabulong kong sinabi: Sana ay magkita pa tayo habang nabubuhay. At malakas ang kanyang tinig: Huwag kang maduwag sa kamatayan.

Isang madamdaming pakikidalamhati sa inyong -- Elmo at Joe -- mga mahal sa buhay.

-Celo Lagmay