SERYOSO si Kate Diaz na sundan ang yapak ng tagumpay ng tiyahing si Olympic silver medalist Hidilyn.
Sa unang sabak sa high-level international competition, nakamit ng 15-anyos ang silver medal sa weightlifting event 2019 Arafura Games nitong Sabado sa Darwin Convention Centre.
Bumuhat ng 115 kilograms buhat sa 50 kilograms sa snatch at 65 kilograms sa clean and jerk sa women’s 45kg division ang batang Diaz para ibigay sa bansa ang unang medalya ng Team Philippines na itinataguyod ng
Philippine Sports Commission at Standard Insurance.
Naungusan si Diaz ni Shi Yue Shan Ng Chinese Taipei na bumuhat ng 120 kilograms buhat sa 53 sa snatch at 67 sa clean and jerk.
Masaya ang batang Diaz sa kanyang nakuhang parangal sa kanyang pagsabak sa nasabing kompetisyon.
“Siguro po may reason si God na ginawa niya ito para hindi ako ‘yung parang may kumpiyansa lang na manalo. Hindi kesyo ito lang, ‘yan na lang, hindi ka na magpo-focus. Natutunan ko talaga na kahit anong mangyari, nandoon ‘yung focus at hindi mawawala sa concentration,” ayon kay Diaz, na target na makakuha ng slot para sa nalalapit na Southeast Asian Games.
Sina Diaz at Shi ang mga matatag na atleta na naglaban para sa ginto sa kabilang sa kabuuang 30 weightlifters sa iba't ibang bahagi ng mundo ang lumahok sa naturang kompetisyon.
Samantala, kasalukuyan pang nilalaro ang athletics at swimming habang isinusulat ang balitang ito, kasabay ng ibang events gaya ng muay.