LA Clippers, nakahirit ng Game 6 sa Warriors
OAKLAND, Calif. (AP) – Hindi pa tapos ang Los Angeles Clippers.
Sa isa pang kahanga-hangang pagpapamalas ng katatagan at determinasyon, ginapi ng Clippers ang two-time defending champion, 129-121, sa Game 5 ng Western Conference first-round playoff nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).
Balik ang aksiyon sa Los Angeles para sa Game 6 tangan ang manipis na 2-3 paghahabiol sa Warriors.
“It’s a little mix of arrogance and just hard work,” pahayag ni Clippers guard Lou Williams sa post-game interview. “You know, we have a lot of young guys, we have a lot of veterans, guys that want to prove their names. We were wrote off earlier on in the year, people saying we weren’t a good team.
“You know, we take all of those things. We digested it and we try to make as much as we can out of it. It’s shown in this series.”
Kontrolado ng Warriors ang laban at tangan ang apat na puntos na bentahe sa first period matapos ang tatlong three-pointer, tanpok ang buzzer-beating ni Alfonso McKinnie.
Ngunit, hindi bumigay ang Clippers. Ipinarada ng Los Angeles ang 13-4 run sa loob ng apat na minuto para makuha ang walong puntos na bentahe bago ang halftime.
Nahila ng Clippers ang abante sa 15 puntos sa unang tatlong minuto ng third period – pinakamalaking abante sa serye – mula sa three pointer nina Patrick Beverly at JaMychal Gree, sapat para mapatahimik ang crowd sa Oracle Arena.
Nakabangon ang Warriors sa 12-2 run, ngunit sapat ang lakas ng Clippers para pangalagaan ang momentum tungo sa panalo.
Nanguna si Williams sa Clippers na may 33 puntos, habang kumana sina Danilo Gallinari ng 26 puntos at Montrezl Harrell na may 24 puntos.
Kumubra si Kevin Durant ng 45 puntos mula sa 14-of-26 sa field, habang umiskor si Steph Curry ng 24 puntos at humirit si Klay Thompson ng 22 puntos.
ROCKETS 100, JAZZ 93
Sa Houston, giniba ng Rockets, sa pangunguna ni James Harden na kumana ng 26 puntos, ang Utah Jazz para tapusin ang first-round playoff series sa 4-1.
Umusad ang Rockets sa Western Conference semifinals sa ikatlong sunod na pagkakataon at makakaharap ang magwawagi sa duwelo ng Los Angeles Clippers at Golden State Warriors. Tangan ng defending two-time champion ang 3-2 bentahe.
Naidikit ni Ricky Rubio ang iskor sa 94-93 sa jump shot, ngunit matapos magmintis sa dalawang free throw nakuha ni P.J. Tucker ang bola at nabawi ang sarili sa kahihiyan para sa 96-93 bentahe ng Rockets.
Sa sumunod na play, nabutata ni Harden ang tira ng 7-foot-2 Ruby Gobert bago naisalpak ang dalawang throws para hilahin ang abante sa 98-93 may 38 segundo ang nalalabi sa laro.
Hindi nakabawi sa malamyang 4 off 22 shooting si Donovan Mitchell nang magmintos sa three-pointer at dalawang free throw ang nagawa ni Chris Paul para selyuhan ang panalo.
Nag-ambag si Clint Capela ng 16 puntos at 10 rebounds para sa Houston.
Matapos umiskor ng 31 punto sa panalo ng Utah sa Game 4, nalimitahan si Mitchell sa 12 puntos kung saan bokya siya sa siyam na pagtatangka sa three-point.
Nanguna si Royce O’Neal sa Utah na may 18 puntos, habang kumubra sina Rubio at Jae Crowder ng 17 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod.