ATIMONAN, Quezon – Isang ama at dalawang anak na menor de edad, ang nasawi matapos salpukin ng isang van ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Atimonan, Quezon, nitong Miyerkules ng gabi.

TRAHEDYA

Nakilala ng mga awtoridad ang mag-aama na sina Vicente Garin Balderosa, 33; Vincent Balderosa, at Marian Meperaque Balderosa, pawang taga-Bgy. Tagbakin, ng nasabing bayan.

Sugatan naman ang isa pang anak ni Vincent na si Justine, na isa ring menor de edad.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Sinabi ng pulisya na sakay ng motorsiklo ang mag-aama at binabagtas ang national highway ng Barangay Balubad nang masalpok ito ng kasalubong na Nissan Urvan (UOG 406) na minamaneho ni Jay-R Llorca Salvo, 28, may-asawa, company driver, at taga-Block 28, Lot 8, Ridge Crest Subd., Pasong Buaya II, Imus, Cavite.

Ayon sa ulat, sa lakas ng pagkakabangga ay tumalsik pa sa bangketa ang mag-aama na agad namang isinugod sa Doña Marta District Hospital ngunit binawian din ng buhay ang tatlo sa mga ito.

Nasa kustodiya na ng mga awtoridad si Salvo at nahaharap sa kaukulang kaso.

-Danny Estacio