Nalantad ang personal na impormasyon ng nasa 20,000 sundalo matapos na pasukin ng grupo ng mga hacker ang data base ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

(kuha ni KJ ROSALES)

(kuha ni KJ ROSALES)

Isiniwalat ng Pinoy LulzSec, isang local hacking group na lumahok sa tatlong araw na international hacking operation ng LulzSec international, na sa lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan, institusyon at mga pribadong kumpanya na “exfiltrated,” tanging ang data base ng AFP ang nakitang mabilis mapasok.

Nakuha rin sa hacking operation ng grupo ang data base ng Ateneo de Zamboanga at Technological University of the Philippines sa Taguig, ayon sa Pinoy LulzSec.

National

PH History, ibabalik na bilang subject sa high school?

Naglalaman ang mga data base ng mga pangalan ng military personnel, kanilang serial number, unit, posisyon, kurso, klase at mga remarks, kabilang kung nabigo ito sa misyon, nangopya sa exam o absent. Maging ang injury entries sa kanilang dokumento.

Sa tinawag nilang April Lulz, sinabi ng Pinoy LulzSec na daang ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong kumpanya ang nalantad maging ang kanilang mga personal na Facebook pages.

Ang taunang tatlong araw na international hacking operation, na inilulunsad ng LulzSec sa iba’t ibang bahagi ng mundo, ay kinasasangkutan ng mga lokal na grupo katulad ng Pinoy LulzSec, Pinoy ClownSec, at FilTech Hackers Philippines.

Samantala, sinimulan na ng AFP ang imbestigasyon sa sinabing hacking sa data base ng ahensiya.

Ayon kay AFP-Public Affairs Office (AFP-PAO) Chief Col. Noel Detoyato, kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa Communication Electronics and Information Systems Service, Armed Forces of the Philippines (CEISSAFP).

"Kababasa ko lang. Ipapasa ko sa CEISAFP para maka-react sila kung anong website itong data base na ito," ani Detoyato.

-Francis T. Wakefield