AYON kay Sen. Ping Lacson, dapat ituloy na ng Dangerous Drugs Board ang survey upang malaman ang dami ng mga taong gumagamit ng droga at ang wastong sitwasyon ng droga sa ating bansa. Ipinanukala ng senador ang kaagad ng pagsasagawa ng survey pagkatapos sabihin ni Pangulong Duterte na ang problema sa droga ay lalong lumala dahil ang mga shabu na nasasabat ngayon ng mga awtoridad ay bilyong piso na ang halaga. “Malalaman natin kung ang kampanya sa droga ay nagtatagumpay o nabibigo kung nababawasan o dumarami ang gumagamit ng droga. Kapag nabawasan ang gumagamit ng droga, nangangahulugan na ang sitwasyon sa droga ay hindi nagiging grabe. Isa pang bagay na magtitiyak kung tagumpay ang war on drugs ay ang presyo ng mga ilegal na droga,” sabi ni Lacson. Pero, iba ang basehan ni PNP Chief Oscar Albayalde kung nagtatagumpay o hindi ang kampanya laban sa droga. Aniya, may natamo itong bentahe dahil bumuti ang peace and order at bumaba ang krimen. “Naging epektibo ang giyera ng gobyerno laban sa droga,” sabi naman ni PDEA Chief Aaron Aquino. Itinuturing niya ang araw-araw na pagsalakay nila sa drug den, pagdakip sa mga sangkot sa droga at pagsabat sa mga bult-bultong cocaine.
Para sa akin, hindi mahalaga ang survey kahit lumabas na kumaunti na ang gumagamit ng droga o tumaas man o bumaba ang presyo nito. Hindi rin mahalaga sa akin kung epektibo ang gobyerno sa pakikipaglaban nito sa droga. May halaga ba ang mga ito sa pagtiyak na nagtatagumpay ang gobyerno sa kanyang war on drugs sa harap ng halos araw-araw ay may nasasabat na shabu at cocaine na nagkakahalaga ng bilyong-bilyong piso? Tama ang Pangulo, lumala ang problema ng droga. Kaya ang sukatan kung tagumpay o bigo ang war on drugs ng Pangulo, mula nang ilunsad ito, ay ilan na ang napatay at ilang tonelada na ng mga droga ang nasabat at nakumpiska ng awtoridad. Kung ito ay epektibo o hindi, ay makikita sa epekto nito sa problemang nilalapatan niya ng lunas.
Kung totoo na lumala ang problema sa droga na inamin mismo ng Pangulo, bigo ang kanyang war on drugs. Ang pangunahin kasing pamamaraan nito ay dakpin ang mga gumagamit at patayin kapag sila ay nanlaban. Marami nang napatay ang mga hindi kilalang salarin na mga umano’y sangkot o may kaugnayan sa droga.
Kahit kailan, matapos man ang termino ng Pangulo, hindi magagapi ang problema ng droga ng kanyang war on drugs. Tulad ng ipinagmamalaki ni Aquino na araw-araw ay may nahuhuli sila sa kanilang buy-bust operation, sa pagsalakay sa mga drug den at pagsabat sa mga bulto-bultong shabu at cocaine, ay mga pamamaraang hindi inuugat ang problema. Dapat ay gayahin natin ang Department of Health (DoH). Sa pagsugpo niya sa dengue o pagkalat nito, hindi nito ipinayo na patayin ang mga lamok kundi wasakin ang pinagmumugaran o ang puwedeng pamugaran nito. Kaya nasa wastong direksyon ang pagnanais ni Sen. Lacson na imbestigahan ang alegasyon laban kay dinismis na si Police Senior Supt. Eduardo Acierto ukol sa mga transaksyon hinggil sa droga ni Michael Yang na economic consultant ni Pangulong Duterte. Nandito ang ugat.
-Ric Valmonte