Limampu’t lima sa 4,470 PUV drivers ang nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga, sa pagsisimula ng 'Oplan harabas' ng Philippine Drug Enforcement Agency nitong Biyernes.
Isinagawa ng PDEA ang test sa 54 na pangunahing terminal sa bansa.
Ayon kay Derrick Arnold Carreon, tagapagsalita ng PDEA, sa 55 nagpositibo sa ilegal na droga ay 24 ang jeepney driver; 13 ang tricycle driver; 11 ang taxi driver; 5 ang UV express van driver; at isang bus driver.
Limampu’t apat ang nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride o shabu, habang isang tricycle driver ang positibo sa marijuana.
Ang mga resulta ay isasailalim sa confirmatory tests sa PDEA forensic laboratories.
Bilang pagsunod sa RA 10586, o “The Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013”, ang mga nagpositibong tsuper ay hindi maaaring mag-operate ng kanilang sasakyan habang kumpiskado ang kani-kanilang lisensiya habang sumasailalim sa rehabilitation process.
Chito A. Chavez at Fer Taboy