Inaresto ang Rappler CEO na si Maria Ressa pagdating niya sa Ninoy Aquino International Airport, pasado 6:00 ng umaga ngayong Biyernes, dahil sa paglabag umano sa Anti-Dummy Law.
Sa bisa ng arrest warrant mula sa Pasig City Regional Trial Court Branch 265, na inilabas nitong Huwebes, dinakip ng mga awtoridad si Ressa, na kagagaling lang sa Amerika.
Kaagad namang sumama si Ressa sa mga pulis at iniulat ng Rappler na plano niyang kaagad na maglagak ng piyansa kaya dumiretso na sila sa korte.
Tinatayang nagkakahalaga ng P90,000 ang piyansa sa mga lumalabag sa Anti-Dummy Law.
Una nang nagreklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) na nilabag umano ng online news agency ang Anti-Dummy Law nang magpalabas ito ng Philippine Depositary Receipts (PDRs) sa dayuhang investor na Omidyar Network.