KUNG maipamamahagi nang pantay-pantay ang 6,200 solar powered irrigation systems (SPIS) national target ng Department of Agriculture (DA) lahat ng 16 na rehiyon sa bansa, magkakaroon ang Western Visayas ng 388 units, o 65 sa bawat lalawigan.
“We are preparing documents so that when our national office declares that there is available fund, then we are ready,” lahad ni Engr. Jose Albert Barrogo, hepe ng Regional Agricultural Engineering Division (RAED) ng Regional Field Unit 6 (RFU6) ng DA nang kapanayamin kamakailan.
Aniya, nakipagpulong na sila sa mga local government units (LGUs) sa rehiyon para matukoy ang mga
pinagkukunan ng tubig doon at magsumite ng proposal for validation. Sa kasalukuyan, ang kanyang opisina ay nagkakanlong ng panukala mula sa Zarraga, Iloilo.
Dagdag pa ni Barrogo, hinihintay din niya ang mga proposal mula sa Negros Occidental, nang sa gayon ay makapagsagawa na ng pagsusuri ang DA.
Ang mga lokasyon ng SPIS ay pinili batay sa mga inirekomenda ng mga organisasyon ng mga magsasaka at dahil na rin sa pag-eendorso ng kanilang LGU, at susuriin na ito ng RAED.
Ang asosasyon ng mga magsasaka ang mamamahala sa SPIS pagkatapos sumailalim sa wastong pagsasanay sa RAED.
Nakatukoy na ang DA-RFU 6 ng 34 na lokasyon para sa SPIS. Ang unang siyam na SPIS na pinondohan noong 2018 ay makukumpleto na sa unang quarter ng 2019.
Ang 2018-funded SPIS ay itinayo sa Villa Salomon sa Patnongon at sa Barangay Igcocolo sa Guimbal, Iloilo para sa mais at saWestern Visayas Integrated Agricultural Research Center (WESVIARC) sa Jaro; Hinigiran Negros Occidental; Sibalom, Antique; Pototan at Dingle, Iloilo; Jamindan, Capiz; at Madalag, Aklan para sa bigas.
Umaasa naman ang DA sa paglulunsad ng Sibalom SPIS sa Sibalom, Antique matapos itong isailalim sa pagsusuri ng Agricultural Machinery and Testing Center (AMTEC), ayon kay Barrogo.
Samantala, ngayong 2019, plano ng DA RFU-6 na magkaroon ng 15 karagdagang SPIS alinsunod sa 2019 General Appropriations Act (GAA).
“We are still waiting if the projects are included in the GAA,” sabi ni Barrogo.
Ayon sa panukala, ang bawat proyekto ay nagkakahalaga ng P7 milyon kahit na ikinokonsidera ng DA RFU 6 ang location-driven sa halip na unified budget dahil ang bawat lokasyon ay may iba’t ibang detalye.
Ang mga system ay pinaplanong ilagay sa Bgy. Logohon, Madalag at Banga, lahat sa Aklan; Bgy. Durog at Baghari sa San Jose at bayan ng Barbaza sa Antique; Bgy. Alayunan, Maayon, Capiz; at Ilog, Kabankalan at sa Philippine Rice Institute sa Murcia, lahat sa Negros Occidental.
Ang bultu-bultong SPIS ay mapupunta sa Iloilo na itatayo sa Durog, Miag-ao; Bantod Fabrica, Dumangas; Bangkal, Alimodian; Buenavista, Leon; Cunarom, Lambunao; Ubian, Janiuay; Tipolo, Duenas; at Buenavista, Leon.
Sabi pa ni Barrogo, kapag hindi nakatanggap ng pondo ang proyekto sa 2019 GAA, isusulong nila ulit ito sa 2020 budget.
Gayunman, sa 2020, ay magkakaroon ng karagdagang 10 site, ibig sabihin mayroon ng 25 SPIS.
“Together with our Director, we are working our best to support our farmers. We know that they need this especially at these times,” aniya.
Hinikayat din ni Barrogo ang mga magsasaka na ipahayag ang kanilang mga problema sa irigasyon sa DA, nang sa gayon, DA “could act properly” at “implement proper interventions.”
PNA