“SA akin, ang propesyon ay pansamantala lamang, pero ang karakter ay habambuhay… kahit sa aking kamatayan,” wika ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Alexander Balutan.
Nagbitiw umano siya sa kanyang tungkulin dahil sa bagay na hindi niya masikmura. Tinutulan niya ang paliwanag ng Malacañang na corruption ang dahilan kung bakit umano siya sinibak. Ipinahiwatig niya na kaya siya nagbitiw dahil hindi niya maatim na sundin ang iniutos sa kanya ng taga-Malacañang o Kongreso. “Sinabi ko sa lahat ng mga empleyado ng PCSO nang mag-umpisa akong manungkulan bilang GM noong 2016, na kapag may taga-Office of the President o Kongreso na hilingan o utusan ako na gumawa ng hindi ko masikmura, ako ay MAGBIBITIW,” wika ni Balutan sa kanyang text message sa mga mamamahayag.
Una rito, ipinahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na pinatalsik ng Pangulo si Balutan dahil sa mga mabigat na alegasyon ng corruption. “Umaasa kami na ito ay magsisilbing mahigpit na babala sa lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno na walang sacred cows sa kasalukuyang administrasyon, lalo na kung may kaugnayan ito sa paglilingkod sa mamamayang Pilipino na may integridad at katapatan,” sabi pa niya. Pero, isang araw pagkatapos maipahayag ito ni Panelo, niliwanag ng Malacañang na nag-resign si Balutan at hindi siya tinanggal sa puwesto ng Pangulo.
Ano itong mga anomalya na ibinibintang kay Balutan? “Tumanggap ng hindi kumpirmadong report ang mga mambabatas na ipinasusubasta ng mga taong malapit kay Balutan ang pagbibigay ng prangkisa sa mga interesadong operator sa tamang presyo. Dahil dito, ang mga interesadong operator ay napupuwersang maglagay para makakuha ng lisensiya para sa partikular na lugar. Narinig namin na may mga STL franchise applicants na pumasok sa main office ng PCSO na may dalang bag na puno ng salapi, at nang sila ay umalis, wala nang laman ang bag. May STL franchise holder sa Sultan Kudarat na ibenenta sa dalawang tao, na ibenenta naman sa iba ang 50 porsiyento ng prangkisa sa halagang P27 milyon. Ang isa namang STL operator sa Cotabato ay nagbenta ng prangkisa sa halagang P50 milyon,” wika ni House Minority leader Danilo Suarez. Pero, aniya, ang mga ito ay alegasyon lamang. Kapag ang mga ito raw ay napatunayan, ioorganisa nila ang PCSO.
Si Suarez ay kaalyado ni Speaker Gloria Arroyo. Sa panahon na pangulo ito ng bansa, tumestigo sa Senado si Balutan hinggil sa nalalaman niyang dayaang naganap noong halalang 2004 na pinagwagian nito. Tumestigo siya sa kabila ng kautusan ni dating Pangulo Arroyo na nagbawal sa lahat ng opisyal ng gobyerno na gawin ito. At ang PCSO, sa kanyang termino, pinadugo ng milyun-milyong piso ang gobyerno. Humihingi si Balutan kay Pangulong Duterte ng parehas na imbestigasyon para linisin ang kanyang pangalan, pero, ayon kay Presidential Spokesperson Panelo, sa Ombudsman na lang siya sasampahan ng kaso. Marahil, alam na ni Balutan kung sino ang malakas sa administrasyon. Walang halaga iyong pinakiusapan siya ng Pangulo na tulungan siya sa pagpapatakbo ng kanyang administrasyon. Charge it to experience na lang.
-Ric Valmonte