HINDI na makakailang lumiliit na ang mundo ng mga motorcycle rider.
Mula sa helmet, plaka ng rehistro, motorcycle lane, Child on Motorcycle Safety Act, at iba pa.
Talaga nga namang sunud-sunod ang pagbabalangkas ng batas ng ating magigiting na kongresista.
Ika nga: When it rains, it pours!
Ano pa kaya ang kanilang susunod na ilalatag na panukalang batas para sa mga motorcycle rider?
Ang pinakahuli nito ay ang pagbabawal sa pagsakay ng motorsiklo ng rider habang nakasuot ng short pants at kamiseta na suhestiyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Obvious ba na nagpapatupad na ng ‘dress code’ ang ating mga traffic enforcer?
Ito raw ay para pangalagaan ang kaligtasan ng mga nagmomotor sa pamamagitan ng paggamit ng tamang riding gear. Ito ay kinabibilangan ng helmet, gloves, boots at pantalon.
Ito ang ipinanukala ng Land Transportation Office noong 2008 subalit hindi pa rin ito nagiging ganap na batas.
Bigla yatang nauntog si MMDA general manager Jojo Garcia at muling binuhay ang usaping ito kamakailan.
Subalit agad namang nilinaw ni Garcia na hindi pa rin ito ipatutupad ng MMDA…sa ngayon.
Kaya walang dahilan, aniya, para magamit ito sa pangongotong ng mga tiwaling MMDA traffic personnel at pulisya na kamakailan ay naatasan na ring magpatupad ng traffic law.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Garcia sa pagbanggit na maaaring maging mitsa ng pangongotong ang paghuli sa mga rider na nakasuot ng sando, tsinelas at short pants.
Kung tutuusin, may punto ang naturang opisyal ng MMDA sa pagsusulong sa batas trapik na ito.
Pagbukas pa lamang ng telebisyon sa umaga, tiyak na bubulaga sa mga manonood ang mga aksidente na kinasasangkutan ng mga rider.
Sari-saring eksena, kabilang na ang mga magkaangkas na walang helmet at nakasuot ng shorts at tsinelas.
Kaya tingnan ninyo ang kanilang braso at binti na nagmistulang ‘tocino’ dahil sa nalapnos na balat bunsod ng pagkakasemplang sa motorsiklo.
Marami na rin tayong nasaksihang aksidente kung saan naputulan ng daliri sa paa ang rider dahil sa hindi pagsuot ng sapatos.
Kailang ba tayo matututo?
At kung mababasa n’yo ang reaksiyon ng mga netizen ay talagang hati ang mga opinyon sa naturang isyu.
Nand’yan ang pabor sa naturang panukala, nand’yan din ang mga kumokontra.
Nagdadahilan ang mga rider na payagan silang nakasuot ng tsinelas at shorts dahil malapit lang naman ang kanilang pupuntahan sakay ng motorsiklo.
Ngayon, saan kayo papanig: Dapat bang ipatupad ito? O hindi?
-Aris Ilagan