DETERMINADO ang Malacañang at ang Department of Interior and Local Government (DILG) na isapubliko ang pangalan ng umano’y mga pulitiko/kandidato na nasa narco-list ni Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) upang magabayan ang mga botante sa pagboto sa 2019 midterm elections sa Mayo 13.

Kontra naman dito ang Commission on Elections (Comelec), partikular si Comelec commissioner Rowena Guanzon, sapagkat higit na mabuti raw na kasuhan ang mga dawit sa illegal drugs sa halip na ilathala ang mga kanilang mga pangalan. Ito raw ay maituturing na “negative campaigning” o trial by publicity.

Salungat din sa planong ito ng Malacañang at ng DILG sina Sens. Panfilo Lacson, Richard Gordon at Nancy Binay. Para kay Lacson, dating hepe ng Philippine National Police (PNP), ang mga data na nasa kamay ng Palasyo at DILG ay dapat na gamitin sa intelligence activity ng mga awtoridad, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PNP at National Bureau of Investigation, upang ganap na malambat at mapag-usig ang mga kandidato/pulitiko na dawit sa drug trafficking.

Samantala, sinabi ni presidential spokesman Salvador Panelo na sasampahan din nila ng kasong kriminal ang umano’y narco-politicians na nasa narco-list ni PRRD. Hindi rin naniniwala si Spox Panelo na lalabagin ng pagsasapubliko ang tinatawag na presumption of innocence ng mga nasa narco-list.

Kawawa naman ang mga kandidato na makakasama sa narco-list na hindi naman pala sangkot o dawit sa illegal drugs, tulad ng nangyari noon kay Pangasinan Rep. Amado Espino, na isinangkot bilang protector ng illegal drugs subalit hindi naman pala totoo. Anyway, in fairness sa Pangulo, nag-apologize naman siya.

oOo

Mula sa Department of Budget and Management (DBM), inilipat ni PDu30 si Benjamin Diokno sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kapalit ni yumaong BSP Gov. Nestor Espenilla. Naalala tuloy ng publiko at ng netizens na noon ay inilipat din ni Mano Digong si ex-Bureau of Commissioner chief Nicanor Faeldon sa Office of Civil Defense (OCD) nang masangkot ito sa kontrobersiyal na pagpupuslit ng P6.4 bilyong shabu sa Bureau of Customs (BoC). Dakong huli, si Faeldon ay hinirang na hepe ng Bureau of Corrections (BuCor).

Para sa mga kongresista, lalo na ang mula sa Minority bloc sa pangunguna ni Quezon Rep. Danilo Suarez, si Diokno ay hindi pa “off the hook” o ganap na ligtas sa umano’y pagkakadawit nito sa ilang proyekto ng gobyerno na umano’y ibinigay niya sa kanyang mga balae sa Sorsogon. Itinanggi ito ni Diokno.

Ayon kay Suarez, kasama si House committee on appropriations Chairman Rep Rolando Andaya Jr. (Camarines Sur), kahit hinirang si Diokno bilang BSP governor, may mga katanungan pa ang mga mambabatas sa kanya. Anim na beses na ini-snub ni Diokno ang imbitasyon ng Kamara na dumalo sa pagdinig. Nais ng mga kongresista na sagutin ni Diokno ang mga isyu at alegasyon sa kanya bilang DBM secretary, kabilang ang umano’y insertions sa national budget ng pork barrel ng mga kongresista.

oOo

Kung noong una ay hindi napapansin ng taumbayan at ng mga botante ang OTSO DIRETSO, ngayon ay napapansin na nitong hamunin ng debate ang mga kandidato ng Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni Davao City Mayor Sara Duterte.

Sino nga naman ang makapapansin sa Otso senatorial bets kumpara sa HNP bets na sina Bong Go, ex-PNP chief Bato dela Rosa, Francis Tolentino, Imee Marcos, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla?

Sino ang makakikilala kina Otso Diretso bets Gary Alejano, Samira Gutoc, Romulo Macalintal, Jose “Chel” Diokno, Pilo Hilbay, Erin Tanada? Marahil ang kilala lang nila ay sina Sen. Bam Aquino at ex-DILG Sec. Mar Roxas.

Nang banatan ng ating Pangulo ang walong kandidato ng OT sa political rally sa Zamboanga kamailan, nagulantang ang mga tao at nagsimula ang pag-uusisa nila sa kung sinu-sino ang taga-Otso Diretso. Sabi nga ni Vice Pres. Leni Robredo, mapapansin at makikilala rin ng mga botante ang OT bets sa panahon ng kampanya. Siya nga raw ay one percent awareness lang noong 2016, pero biglang nakilala sa panahon ng kampanya at nanalo pa bilang vice president.

-Bert de Guzman