Dalawang katao ang inaresto habang 11 babae, kabilang ang dalawang menor de edad, ang nasagip ng National Bureau of Investigation (NBI) sa prostitution operation sa Rizal, iniulat ngayong Biyernes.
Kinilala ni NBI spokesman Deputy Director Ferdinand Lavin ang mga inaresto na sina Christian Mabbayad at John Romel Bueno, kapwa nasa hustong gulang.
Dinampot sina Mabbayad at Bueno sa entrapment operation ng NBI-Rizal District Office (NBI-RIZDO) sa isang resort sa Rizal, nitong Miyerkules.
Sa operasyon, nasagip ng NBI agents ang 11 babae, kabilang ang dalawang menor de edad.
Ayon kay Lavin, isinagawa ang operasyon base sa report ng non-government organization Destiny Rescue Philippines.
Sinabi ng spokesman na ang mga suspek, na nag-o-operate sa Pasig City, Makati City, Quezon City at Rizal, ay nag-aalok ng mga babaeng sexual services sa pamamagitan ng social media transactions.
Ang kanilang mga kliyente, dayuhan at lokal, ay nagbabayad ng P3,000 para sa serbisyo ng bawat babae.
Samantala, isinailalim na ang mga suspek sa inquest proceeding sa Antipolo City Prosecutor’s Office para sa paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
-Jeffrey G. Damicog