Sugatan ang lalaki nang sumabog ang tangke ng liquefied petroleum gas o LPG, na ikinasunog ng kanyang bahay at mga katabing apartment unit sa Sampaloc, Maynila, ngayong Sabado.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Manila, nilalapatan ng lunas sa UST hospital si Johnson Ong, 55, na nagtamo ng 3rd degree burn sa katawan.
Ayon kay SFO3 Edilberto Cruz, sumiklab ang sunog, na umabot ng unang alarma, sa tahanan ni Ong, na matatagpuan sa Craig Street, sa Sampaloc, dakong 3:51 ng madaling araw.
Una umanong sumingaw ang LPG saka sumabog hanggang sa masunog ang bahay ng biktima at nadamay ang dalawang katabing apartment.
Dahil dito, wasak ang pader ng bahay at tumilapon ang biktima.
Idineklarang under control ang sunog sa ganap na 4:24 ng madaling araw, at naapula pagsapit ng 4:41 ng madaling araw.
Mary Ann Santiago