Arestado ang isang babae nang maaktuhan umanong tinatangkang dukutin ang dalawang bata sa Sampaloc, Maynila, nitong Biyernes.

DUKOT

Nasa kustodiya ng Manila Police District (MPD)- Sampaloc Police Station 4 si Paulina Alanda, alyas Annie, ng Old Market Rosalyn Street, Cotabato City, at nakatakdang kasuhan ng kidnapping sa piskalya, matapos umanong tangkaing dukutin ang dalawang lalaki, na nasa edad 7 at 8.

Sa ulat ni Police Supt. Robert Domingo, station commander ng MPD-PS 4, naaresto ang suspek sa Pinpin St., sa Sampaloc, dakong 8:30 ng gabi.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Ayon sa mga bata, nakatambay sila sa lugar nang lapitan ng suspek at kinausap.

Makalipas ang ilang sandali, napansin umano ng mga bata na sinenyasan ng suspek ang sakay sa isang closed van, na nakaparada sa 'di kalayuan, at tila pinalalapit ito.

Naglabas din umano ng face towel ang suspek at bigla silang hinawakan sa braso.

Sa takot, pumiglas at kumaripas ang mga bata at nasalubong ng nagpapatrulyang mga barangay tanod ng Barangay 564, Zone 57, kaya nagsumbong ang mga ito.

Hindi nag-aksaya ng panahon ang mga barangay tanod at hinabol ang suspek, at tuluyang naaresto.

Gayunman, hindi nahabol ng mga tanod ang humarurot na van.

Mary Ann Santiago