Habang nasusunog ang gusali ng Bureau of Customs, nagliliyab din ang maraming bahay sa Parola Compound sa Maynila nitong Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), mahigit 10 oras naglagablab ang gusali ng Bureau of Customs (BoC) sa South Harbor, 16th Street, Gate 3, sa Port Area.
Ayon kay Fire Senior Supt. Jonas Silvano, ground commander ng Manila BFP, nagsimula ang sunog dakong 9:00 ng gabi at itinaas sa ikalimang alarma pagsapit ng 10:00 ng gabi, at idineklarang fireout bandang 7:10 ng umaga ngayong Sabado.
Nabatid na nagsimula ang apoy sa ikatlong palapag ng Port of Manila (POM) building, at nadamay ang ikalawang palapag.
Nasa 50 truck ng bumbero ang nagtulung-tulong sa pag-apula at wala umanong mahahalagang dokumento ang napinsala.
Ayon kay BoC Spokesperson Erastus Austria, pansamantala nilang ililipat ang operasyon ng BoC sa kanilang gymnasium sa South Harbor, upang magtuluy-tuloy ang operasyon ng kanilang Formal Entry Division.
Makikipag-ugnayan din umano ang ahensiya sa Philippine Port Authority at Maritime Industry Authority upang magamit ang kanilang pasilidad para sa operasyon ng Customs.
Patuloy namang iniimbestigahan kung ano ang sanhi ng sunog, na tumupok sa P50 milyong halaga ng ari-arian.
Samantala, isa pang sunog ang sumiklab sa Area A, Balon Pier 2, Gate 1, Parola Compound, sa Tondo, dakong 10:45 ng gabi.
Ayon sa Manila BFP, naapula ang apoy, na umabot din sa ikalimang alarma, dakong 3:44 ng madaling araw.
Sa ulat ni SFO1 Joshua Emmanuel Galura, nagsimula ang apoy mula sa isang barung -barong at kumalat sa mga katabing bahay.
Iniimbestigahan pa ang ulat na posibleng electrical overload o naiwang kalan ang dahilan ng sunog.
Wala iniulat na napahamak sa sunog at inaalam ang halaga ng mga naabo, gayundin kung ilang tahanan at pamilya ang naapektuhan.
Samantala, nagkaroon din ng sunog sa isang residential area sa likod ng pampublikong pamilihan sa Block 22, Barangay Addition Hills sa Mandaluyong City, bandang 4:35 ng hapon.
Ayon kay SFO2 Luciano Regis, limang katao ang nasugatan, ngunit hindi tinukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Tinatayang aabot sa 200-300 barung-barong ang natupok at mahigit 1,000 pamilya ang naapektuhan.
Umabot sa ikalimang alarma ang sunog, na sinasabing nagsimula sa tahanan ng isang Sonny Palomares.
Pagsapit ng 10:15 ng gabi, tuluyang maapula ang apoy, na tumupok sa may P2.5 milyong halaga ng ari-arian.
Mary Ann Santiago