Blangko pa rin ang mga awtoridad sa posibleng motibo sa pagkakapaslang ng isang barangay chairman sa General Santos City, South Cotabato, nitong Huwebes ng gabi.
Aminado si General Santos City Police chief, Senior Supt. Raul Supiter na wala pa silang makuhang lead upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa pagpatay kay Arman Mejia, 46, ng Bgy. Dadiangas North.
Gayunman, tuloy pa rin aniya ang kanilang imbestigasyon sa kaso na naganap sa Bulaong Ave., dakong 11:30 ng gabi.
Pauwi na aniya si Mejia sakay ng kanyang motorsiklo galing sa pagpapatrulya, kasama ang mga tanod nito nang maganap ang insidente.
Ayon sa mga testigo, binaril muna ang biktima ng isang lalaking nakamotorsiklo at nang matumba ay pinagbabaril pa rin ito.
Binawian ng buhay si Mejia dahil na rin sa anim na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa pahayag ng mga kaanak nito, naging aktibo ang biktima sa anti-criminality at illegal drug campaign sa kanilang lugar mula nang manalo sa nakaraang halalan nitong nakaraang taon.
Nanawagan din ang mga ito sa mga awtoridad na magsagawa ng imbestigasyon dahil nangyari ang krimen sa gitna ng umiiral na election gun ban sa bansa at martial law sa Mindanao.
-Joseph Jubelag