SILAHIS ng araw ang turing ng mga sports officials – na ‘nagipit’ ng liderato noon ni dating Tarlac Congressman Jose ‘Peping’ Cojuangco – sa pagpalit ni Ricky Vargas sa eleksiyon na ipinag-utos ng Pasig Regional Trial Court.

Puspos ng tuwa nang sa wakas, matapos ang 16 na taon o apat na termino (Olympic calendar) may bagong lider ang Olympic body. Mataas ang spektasyon, punong-puno ng pag-asa para sa pagbabago.

Ngunit, isang taon makalipas ang tinaguriang ‘kasaysayan’ sa Philippine sports, napuspos sa pait ang noo’y matamis na pangakong pagbabago sa POC sa liderato ni Vargas.

Ang gusot sa liderato ng ilang sports association na biktima ng nakalipas na administrasyon ay nananatiling api at nakakapit sa laylayan ng pantaloon ni Vargas. Ang mga atleta sa sports na swimming, volleyball, jiu-jitsu, wrestling at table tennis ay nanatiling inaalisan ng karapatan na makilahok at mabigyan ng pagkakataon na mabigyan ng karangalan ang bandila ng Pilipinas.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa kaso ng swimming, ang pinakamahuhusay na homegrown swimmers at nananatiling nakatanghod, habang ang nagtatamasa sa hapag-kainan ay mga piniling foreign-breed athletes. Pasintabi sa mga Filipino na may lahing banyaga na nakabase sa iba’t ibang bansa, dahil hindi nila ito ginusto. Ang mga lider na kumuha sa kanila, sa kabila ng kawalan ng lihitimong try-outs.

Sabi nga ni Olympian at SEA Games record holder na si Eric Buhain, “Walang problema sa mga foreign breed athletes, pero sana mamalagi muna sila sa bansa ng ilang taon at sumabak sa tryouts.”

Ano ang kahalagahan ng National tryouts? Dito makikita ang lahat ng talento. Laban-laban, mano-a-mano. Kung sino ang pinakamagaling siya ang ‘deserving’ na maging miyembro ng Philippine Team. Karapatan ng sambayanan na makitang ang pinamahuhusay na atleta ang ilalaban sa torneo sa abroad dahil pera ng taong-bayan ang gagastusin sa kanilang uniporme, allowances at pagsasanay.

Muli, napagkaitan ng pagkakataon ang mga swimmers na hindi kabilang sa pamunuan ni Lani Velasco ng Philippine Swimming Inc.

Sinuportahan ni Vargas si Velasco, sa kabila ng katotohanan na ilegal ang pamumuno nito batay sa by-laws and constitution ng Philippine Swimming Association (PASA). Hindi miyembro ng PASA Board si Velasco at itinalaga lamang na caretaker ni Mark Velasco matapos magkaroon ng problema at ngayo’t hinahabol ng batas.

Sa ayuda noon ni Cojuangco, nagpasailalim ang swimming sa Securities and Exchange Commission (SEC), ngunit sa bagong grupo na Philippine Swimming Inc, ang binubuo ng mga bagong miyembro ng Board. Wala pang desisyon ang POC at kung pagbabesahan ang bylaws nito kailangan ang two-third vote ng General membership para mapatalsik ang isang miyembrong asosasyon.

Parehas ang kapalaran ng Philippine Volleyball Federation (PVF) na pinalitan ni Cojuangco ng Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. kahit hindi pa napapatalsik ng POC General Assembly ang asosasyon na pinamumunuan ni Edgardo ‘Tito Boy’ Cantada.

Kapangyarihan ni Cojuangco ang puno’t dulo sa kaguluhan sa swimming at volleyball. Tinanggap ng International Federation ang mga asosasyon na nilikha niya dahil sa manipulasyon. Wala na si Mr. Cojuangco. Ang kapangyarihan ay nasa mga kamay na si Vargas. Isang taon nang naghihintay ng pagbabago. Panahon na para gumising, Mr. Vargas.

Kung tama ang paiiralin, madali lamang para kay Vargas na pulungin ang mga nagiiringang grupo. Magtagda ng isang unified election kung saan kabilang ang mga tunay na miyembro ng Board ng PASA at PVF, gayundin sa Table Tennis at iba pang sports.

Kung ano ang maging resulta, dapat itong tanggapin ng lahat.

Ngunit, habang nilalapatan ng lunas, bantayan muna ang atleta. Sa pamumuno ng POC, puwedeng magsagawa ng National tryouts sa swimming at volleyball para makuha ang tunay na mahuhusay na atleta. Huwag nating sayangin ang mga talento na tulad ng 14-anyos na si Jasmine Mojdeh na itinuturing No.1 kung pagbabasehan ang kanyang mga oras at tagumpay sa International swimming competion.

Umaga na Mr. Vargas, gising na.

-EDWIN ROLLON