GUMACA, Quezon – Arestado ang anim na local government unit (LGU) employees na pawang nahuli sa aktong isinasakay sa government truck ang ilang hindi dokumentado at ilegal na troso sa Barangay Camohaguin, dito, iniulat ng Quezon Provincial Police Office.
Natangggap ni Senior Supt. Osmundo de Gusman, Quezon PPO director, ang ulat mula sa local police station at kinilala ang mga inaresto na sina Nichol Lakian, Jerry Rosaldo, Jun Torres, Dennis Lucero, Romnick Burce at Eduardo de Asis, pawang street cleaner ng Gumaca LGU.
Sa ulat, dinampot ang anim habang isinasakay ang "malatubig" sa mini-dump truck (SKM 597), na pag-aari ng LGU, at napag-utusan lang umano ang mga ito ng isang Randolf na kawani ng munisipyo.
Idiniretso ang mga nasamsam na troso sa QPPO, habang pinayagang magpiyansa ang mga inaresto.
-Danny Estacio