Inaasahang ngayong Linggo rin ang balik-bansa ni Pangulong Duterte, na bumiyahe patungong Hong Kong nitong Biyernes kasama ang partner na si Honeylet Avanceña at anak nilang si Kitty.
Kinumpirma ni dating Special Assistant to the President Bong Go na sa ikalawang pagkakataon sa loob ng apat na buwan ay muling nagbalik sa Hong Kong ang Presidente kasama ang kanyang mag-ina para sa isang “weekend getaway”.
Ayon kay Go, Biyernes ng gabi nang bumiyahe ang pamilya patungo sa Hong Kong at uuwi rin ngayong Linggo.
“Totoo po na pumunta ng Hong Kong si Pagulong Duterte na kasama ang long-time partner nya na si Ma’am Honeylet Avanceña at anak nila na si Kitty para sa isang personal na biyahe,” saad sa text ni Go.
Sa isang text message, kinumpirma rin ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na nasa Hong Kong ang Pangulo kasama ang kanyang mag-ina dahil kaarawan ni Avanceña kahapon, Pebrero 16.
Sa ulat ng South China Morning Post, nakita si Duterte na nakasuot ng dark suit habang namamasyal sa loob ng fashion wear chain shop na Uniqlo sa World Trade Center sa Causeway, bandang 6:00 ng gabi, kasama ang ilang bodyguards.
Sa litrato namang kuha ng Southern District Council member na si Henry Chai Man-hon na ipinost sa website ng pahayagan, makikita ang pagkagulat ng isang babaeng namimili nang mapansin si Duterte sa loob ng nasabing establisimyento.
Napaulat din na ilang Pinoy ang nasa lugar nang mga oras na iyon, at ilang namimili ang nakakilala sa Pangulo, bagamat walang bumati sa kanya. Gayunman, nakitang nakikipag-usap si Duterte sa ilang empleyado sa establisimyento.
“It was actually Kitty who requested her father for the trip, as a gift. Nagawa na ito nila noon kahit nung Mayor pa ng Davao City si PRRD,” sabi ni Go.
Sinabi rin ni Go na itinalaga ng Pangulo si Executive Secretary Salvador Medialdea bilang officer-in-charge upang pansamantalang pangasiwaan ang operasyon ng Office of the President.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nag-weekend sa Hong Kong si Duterte para sa personal na lakad. Oktubre nang nakaraang taon nang biglaang magtungo sa Hong Kong ang Presidente “to rest”, kasama sina Avanceña, Kitty, at Go.
Argyll Cyrus B. Geducos