DearManay Gina,

Ang aking problema ay may kaugnayan sa biyenan kong babae. Nang magnobyo pa lamang kami ng aking mister, alam kong tutol siya sa akin dahil marami akong nababalitaan tungkol sa mga pamimintas niya. Gayunman, wala siyang nagawa dahil nagkatuluyan pa rin kami ng kanyang anak.

Nang kami’y ikasal, nagpakita lamang siya noong reception at nagdahilan na may bukol daw na natagpuan sa kanyang lalamunan. Pero di raw yun mahalaga dahil ‘araw’ namin ‘yon. Iyon ang simula ng maraming sitwasyon na nagpapakita ng kanyang pag-ayaw sa akin. Madalas, ay nag-iimbento siya ng sitwasyon upang magmukhang kawawa para asikasuhin siya ng aking mister.

Iniiwasan kong magkabangga kami pero parang sinusundan ako ng problema. Alam ng mister ko ang tunay na nangyayari, pero hindi pa rin maiwasan na magkaroon kami ng tensiyon kapag napag-uusapan ang mga drama ng kanyang ina. Ano kaya ang gagawin ko?

--Ruby

Dear Ruby,

Base sa ‘yong liham, ayaw sa ‘yo ng iyong biyenan, at marahil, maging sa sinumang babae na mauugnay sa kanyang anak. Puwedeng isipin, siguro hindi pa siya handa na may ibang babae na kaagaw sa atensiyon ng kanyang anak.

Upang maiwasan ang tensiyon sa pagitan n’yong mag-asawa. Hintuan mo na ang pagrereklamo sa ‘yong mister tungkol sa mga maling gawi ng kanyang ina. Tutal, alam naman niya ang tunay na nagaganap. Sikapin mo ring balewalain na lamang ang destructive behavior ng iyong biyenan at iwasang makagawa ng mga bagay na magpapabigat pa sa sitwasyon. Makakatulong din kung hihingi ka ng suporta mula sa isang kaibigan o counselor, na puwedeng magbigay ng ekspertong interpretasyon sa sitwasyon ng iyong biyenan, upang mas maunawaan ito ng iyong asawa.

Nagmamahal,

Manay Gina

“Deceivers are the most dangerous members of society. They trifle with the best affections of our nature, and violate the most sacred obligations.”---- George Crabbe

Ipadala ang tanong sa [email protected]

-Gina de Venecia