INAMIN ni Kapuso young actress Therese Malvar na may pressure sa kanya ang pagsasama nila ni Kyline Alcantara sa GMA Afternoon Prime drama series na Inagaw Na Bituin. May reason ba para magkaroon sa kanya ng pressure ang first time nilang pagsasama ng isa ring Kapuso young actress?
“Opo, kasi ang dami pong nag-i-expect sa aming dalawa dahil alam nilang pareho na kaming nakatanggap ng awards on acting,” nakangiting sagot ni Therese. “Kaya kailangan pong paghusayin namin ang acting namin. Pero hindi po kami magku-compete ni Kyline sa isa’t isa, ako po magku-compete ako sa sarili ko. Kailangang pagbutihin ko ang acting ko bilang si Ariela Lopez, anak ni Angelika dela Cruz at kalaban din niya ang sister niyang si Sunshine Dizon. Pareho kaming maglalaban ni Kyline sa pagkanta.”
Lalo raw nakadagdag ng pressure kay Therese ay nang sabihin sa kanyang sila raw ni Kyline ang millennial na Nora Aunor at Vilma Santos. Siya raw si Nora at si Kyline ay si Vilma.
“Nakaka-flatter din naman po na isipin nilang ganoon kami ni Kyline pero ayaw naming isipin iyon, baka maapektuhan ang natural acting naming dalawa at maging awkward kami sa isa’t isa. Basta kung ano po lamang ang hinihingi ng character namin, iyon ang gagawin namin.”
Wala pa raw silang taping ni Kyline na magkasama sa eksena, pero may bonding na sila tuwing magkasama sila sa mall shows at tuwing may taping sila dahil magkasama sila sa tent, nakapagkukuwentuhan sila ng iba’t ibang bagay tungkol sa showbiz.
“Nakita ko po si Kyline noong mag-audition ako para sa first film ko, and since then madalas ko na po siyang nakikita at ngayon, magkasama na kami sa isang serye.”
Ang Inagaw Na Bituin ay isang musical-drama series directed by Mark Reyes at mapapanood na simula sa February 11 sa GMA 7.
-NORA V. CALDERON