SA Abril 2019 na ang balik ni Julia Montes sa Pilipinas pagkatapos ng limang buwang bakasyon niya sa Germany, kung saan nakatira ang biological dad niyang si Martin Schinittka kasama ang pamilya nito.
Matatandaang Disyembre 2016 nang unang nakita at nakilala nang personal ni Julia ang ama nang dumating sa Pilipinas, kaya naman labis-labis ang kasiyahan niya at nasabi niyang kumpleto na ang pagkatao niya.
Muling bumalik sa bansa si Mr. Schinittka kasama ang pamilya at dito na nakilala at naka-bonding din ni Julia ang stepmom at half sibling niya, na dinala niya sa out of town resort.
At last June 2018 ay kasama si Julia sa TFC show sa London kaya muli silang nagkita ng ama at ipinagdiwang na rin nila ang Father’s Day.
Nitong Nobyemre 2018 ay lumipad pa-Germany si Julia para mas matagal na makasama ang ama at pamilya nito.
Mabuti na lang ay may mga Instagram posts si Julia kaya may update sa kanya ang lahat at para mawala na rin ang haka-hakang buntis siya kaya raw biglang nawala.
Dedma naman ang management agency ni Julia, ang Cornerstone, dahil alam nila ang totoo. Sa katunayan ay hinihintay na siya ng handler niyang si Mac Merla dahil maraming offers sa kanya.
Kuwento ni Mac nang maka-chat namin kahapon, “Madami naka-line-up na movies and endorsement kaya lang need mag-wait kasi nga wala siya dito.
“So far may tatlong naka line-up sa akin na willing mag-pitch pagbalik niya. Iba-ibang film outfits. May indie film din.”
Oo nga, naiinip na ang mga loyalistang supporters ni Julia.
-REGGEE BONOAN