LINGAYEN, Pangasinan – Sinibak na puwesto ang hepe ng pulisya sa isang bayan sa Pangasinan kaugnay ng pagkakaaresto ng mga awtoridad sa isang pulis nito na umano’y sangkot sa carnapping, kamakailan.
Kinumpirma ni Pangasinan Provincial Director Senior Supt. Wilzon Joseph Lopez, na tinanggal nito sa posisyon bilang Mangaldan police chief si Supt. Jay Baybayan.
Nag-ugat aniya ang usapin nang madakip ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG) at Pangasinan Provincial Police Office si SPO3 Jonathan Sanchez, nakatalaga sa Mangaldan Police Station.
Dinakip si Sanchez habang minamaneho nito ang isang Hi-Ace Toyota van na walang conduction sticker at kinabitan pa ng hindi awtorisadong plaka na WHU-681.
Aniya, ang nasabing sasakyan ay nirentahan ng nasabing pulis kay Rosa Pamor, may-ari ng isang rent-a-car service, ng Phase 10-B Parking 6, Block 80, Lot 11, Bagong Silang, Caloocan City, noong Setyembre 8, 2018.
Gayunman, matapos ang tatlong araw na napagkasunduan ng mga ito, nindi ito naibalik ni Sanchez ang sasakyan.
Nitong Disyembre, nataguan ng biktima na ang kanyang sasakyan sa Mangaldan Police Station at ginagamit umano ito sa operation at personal na lakad ni Sanchez.
Dahil dito, ipinasya ni Pamor na magreklamo sa mga awtoridad na ikinaaresto ni Sanchez na nahaharap sa kasong carnapping at kasong administratibo.
-Liezle Basa Iñigo