Dear Manay Gina,
Nagwo-worry po ako sa aking bestfriend. Bumalik na naman siya sa kanyang mapang-abusong asawa. Nang malaman ko ang pang-aapi na inabot niya sa kanyang mister, talagang ibinuhos ko po ang aking puso at damdamin sa pagbibigay ng wastong payo sa kanya. Pero, parang nasayang lang ito, dahil ngayon ay bumalik na siya sa kanyang abusadong asawa. Nang tinanong ko kung bakit niya ginawa ito, ay umiwas siya at tumawa na lang. Ang kanyang reaksiyon ay naging palaisipan sa’kin. Ano ang gagawin ko tungkol sa bagay na ito?
--Lyn
Dear Lyn,
May pagkakataon, na mas mainam kung tayo ay makikinig lang sa isang problemang idinulog sa atin. Sa ganitong paraan, hindi tayo masasaktan kapag parang binalewala ang ating payo at pagmamalasakit.
Mahirap unawain kung bakit ang isang inabuso ay bumabalik pa sa isang mapanganib na relasyon. Pero ayon sa pag-aaral, ang isang babae ay bumabalik sa isang abusive relationship kapag may mga anak na involved, sa paniniwalang mas mabibigyan niya ng proteksiyon ang kanyang mga anak kapag nakipagbati siya sa asawang nang-abuso sa kanya. May kaso din, na dahil sa pang-aabusong inabot, ang isang babae ay nawawalan na nang tiwala sa kanyang sarili at sa kanyang kakayahang mabuhay nang malaya.
Ngayong bumalik na sa kanyang asawa ang iyong best-friend, wala kang magagawa kundi magdasal na sana’y maging maayos ang kanilang pagsasama. Pero bilang kaibigan, maghanda ka rin, dahil kung talagang abusado ang kanyang mister, malamang na kakailanganin niyang muli ang kalinga ng isang kaibigan.
Nagmamahal,
Manay Gina
“Bullies want to abuse you. Instead of allowing that, you can use them as your personal motivators. Power up and let the bully eat your dust.”---- Nick Vujicic
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia