Naghain na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ng mga kasong administratibo laban kay Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo, na itinuturong utak sa pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe at sa police security nito noong nakaraang buwan.

Daraga Mayor Carlwyn Baldo

Daraga Mayor Carlwyn Baldo

Kinumpirma kahapon ni Chief Supt. Amador Corpus, PNP-CIDG director ang pagsasampa ng pulisya ng mga kasong conduct prejudicial to the best interest of the service at graft and corruption laban kay Baldo.

Ang mga nasabing reklamo ay isinampa nitong Enero 11 sa Office of the Ombudsman, ayon kay Corpus.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Paliwanag ni Corpus, ang unang reklamo ay kaugnay ng administratibong aspeto ng mga kasong kriminal na kinahaharap ng alkalde, na dalawang bilang ng murder at anim na bilang ng multiple frustrated murder.

Ang ikalawang reklamo, ayon kay Corpus, ay dahil ginamit umano ni Baldo ang pera ng taumbayan para ipangsuweldo sa anim na miyembro ng hit squad na nagsilbing ghost employees sa Office of the Municipal Mayor.

Una nang tinukoy ng PNP si Baldo bilang utak sa pagpatay kay Batocabe at sa security escort nitong si SPO2 Orlando Diaz nitong Disyembre 22 sa isang gift-giving activity ng kongresista sa Barangay Burgos, Daraga, Albay. Anim na iba pa ang nasugatan nang tamaan ng ligaw na bala sa insidente.

Makaraang sumuko at maaresto ang lahat ng anim sa hit squad, pawang itinuro ng mga ito si Baldo na nagpapatay umano kay Batocabe, dahil makakalaban ng huli ang alkalde sa pagkaalkalde sa Daraga sa halalan ngayong taon.

Gayunman, mariing itinanggi ni Baldo ang mga nasabing alegasyon.

Martin A. Sadongdong