Hinigpitan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang pagbibigay ng seguridad sa buong bansa sa pagsisimula kahapon ng 150-araw na election period.

Sa memorandum ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde, inatasan niya ang lahat ng field commanders na istriktong magpatupad ng kani-kanilang checkpoint sa buong bansa.

Layunin nitong mahuli ang mga nagbibitbit ng mga ilegal na baril, patalim, pampasabog, at iba pang mga armas.

Epektibo na rin ngayong Lunes ang gun ban ng Commission on Elections (Comelec), na tatagal hanggang sa Hunyo 12, 2019.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Sa checkpoint, ipatutupad ng mga pulis at sundalo ang plain view inspection, kaya mas mainam na buksan na ng mga motorista ang kanilang mga sasakyan.

Maging ang mga licensed gun owners ay bawal ding magbitbit ng armas, maliban na lang kung binigyan sila ng exemption ng Comelec.

Ayon kay Albayalde, exempted sa gun ban ang mga mga pulis na nakauniporme at naka-duty, gayundin ang mga sundalo, mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), iba pang mga law enforcement agencies, at maging mga private security agencies.

Ang mga pulitikong may banta sa kanilang buhay ay maaaring mag-apply ng security escorts sa Police Security and Protection Group ng PNP.

Binuhay na rin ngayon ng PNP ang Regional and Provincial Election Monitoring and Action Centers sa buong bansa, na magmo-monitor sa iba’t ibang aktibidad, kasama na rito ang mahahalagang accomplishments na may kaugnayan sa eleksiyon sa Mayo 13, 2019.

Samantala, tinukoy na rin ng PNP ang 18 election hotspots sa plebisito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at midterm elections.

Karamihan sa mga lugar na tinututukan ng pulisya at military ay nasa Mindanao.

-Fer Taboy