Dear Manay Gina,
May kaibigan po ako, na lagi kong kasama sa mga lakaran. Ang problema, napakasama po niyang magluto. Pero, very proud po siya sa ginagawa niyang ito, kaya
‘pag magkasama kami, kung anu- ano ang iniluluto niya para sa amin. ‘Yung iba ay ‘yung mga recipe na natutunan daw niya sa Indonesia at Korea, na puro maanghang.
Noong nakaraang linggo ay naiwasan ko ang pagkain sa ipinagmamalaki niyang imbensiyong recipe gamit ang mga tirang pagkain sa kanyang refrigerator. Nilagyan pa daw niya ng olives.
Hindi ko masabi sa kanya na halos lahat kaming kaibigan niya ay hindi kursunada ang niluluto niya. Ano po ang gagawin ko? Mabait po siya, very thoughtful, maaasahan, matalino at masayang kasama. ‘Yun nga lang, hindi po masarap ‘yung mga ipinapakain niyang luto sa amin.
Glenda
Dear Glenda,
Ang pag-iwas na makasakit sa damdamin ng kapwa, lalo na kung ito ay kaibigang mabait, ay may hangganan din. Ano ang gusto mo? Maging matapat sa kaibigan mo, o maging matiisin na marinig ang pamimintas sa kanyang mga luto?
Dahil lahat kayo ay nagrereklamo hindi masarap na pagkaing ihinahanda niya, kailangang kausapin mo siya bilang matalik na kaibigan, sa isang paraang hindi nakakasakit ng loob. Kailangang mamagitan ka, dahil masakit din sa loob mo na pinagtatawanan ng iba ang luto ng iyong kaibigan. Ipayo mo, na mas makakabuti sa kanya kung mag-aaral siyang magluto dahil sadyang iba-iba ang panlasa ng tao.
Nagmamahal,
Manay Gina
“Life comes down to honesty and doing what’s right. That’s what’s most important.” --- Bob Feller
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia