DEAR Manay Gina,
Halos siyam na buwan na po ang tagal ng relasyon ko sa aking nobyo. Pero hanggang ngayon ay medyo asiwa pa ako sa madalas niyang pagkukuwento tungkol sa kanyang mga nagdaang girlfriends. Lagi niyang ikinukuwento kung ano ang style nila. Ang sabi niya, ako raw ay masyadong masikreto, kaya hinihimok niya akong magkuwento rin tungkol sa aking nakaraan at nang maging lubos daw ang aming pagkakakilala sa isa’t isa. Kaya lang po, ang pakiramdam ko, ang nakaraan ay dapat na pabayaan na lamang sa kahapon. Minsan ang feeling ko ay hindi pa s’ya nakaka move-on sa kanyang mga nagdaang pagmamahal. Tama po ba ako o medyo nag-o-overreact lamang?
Loren
Dear Loren,
Ang mga babaeng ‘yon ay kanyang mga ex-girlfriends at may dahilan kung bakit hindi sila ang karelasyon n’ya ngayon. Ibig sabihin, dapat ay sarado na ng kanilang aklat.
Pero minsan, kapag ang isang lalaki ay buhos ang loob sa isang relasyon, gusto niyang maunawaan siyang mabuti ng kanyang nobya, kaya marahil binabanggit niya ang mga istoryang ito tungkol sa kanyang nakaraan.
Pero kung asiwa ka sa ganitong bagay, ipagtapat mo ito sa kanya. At kung sa tantya mo ay gusto pa niyang balikan ang isa sa kanila, aba, marapat lamang siguro na iwanan mo s’ya, sa piling ng kanyang mga ala-ala. Maniwala ka, marami pang mas mabuting lalaki ang iibig sa ‘yo.
Nagmamahal,
Manay Gina
“Change is the law of life. And those who look only to the
past or present are certain to miss the future.” --- John F. Kennedy
Ipadala ang tanong sa [email protected]
-Gina de Venecia