Nagpaalala kahapon ang pamunuan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga residente sa Eastern Visayas na maging alerto sa harap ng inaasahang pagla-landfall ng bagyong ‘Usman’ sa rehiyon bukas.

PARATING NA! Itinuturo ng weather specialist na si Aldczar Aurelio ang bagyong ‘Usman’, na inaasahang tatama sa Eastern Samar, bukas. (ALVIN KASIBAN)

PARATING NA! Itinuturo ng weather specialist na si Aldczar Aurelio ang bagyong ‘Usman’, na inaasahang tatama sa Eastern Samar, bukas. (ALVIN KASIBAN)

Ayon kay NDRRMC Director Edgar Posadas, partikular niyang pinapayuhan ang mga nasa landslide-prone area dahil malambot na ang lupa sa lugar dahil na rin sa walang humpay na pag-uulan sa nakalipas na mga araw, kaya posible ang pagguho ng lupa kapag nanalasa pa ang bagyo sa rehiyon.

“Nanawagan po kami kasi ilang araw na rin po tayong inuulan, lalo na po ‘yung mga nasa tabi ng ilog, bundok at mga burol. Basang-basa po ang lupa kaya posibleng magkaroon ng pagguho,” sabi ni Posadas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Pinayuhan ni Posadas sa mga residente na manatiling nakatutok sa mga updates, at kung kinakailangang lisanin ang lugar ay kaagad na lumikas para sa kanilang kaligtasan.

Bahagyang lumakas kahapon ang bagyong Usman ilang araw bago ito inaasahang tatama sa Eastern Samar bukas, at patuloy na kumikilos pakanluran-hilagang-kanluran patungo sa dulo ng lalawigan, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Gayunman, mula sa 20 kilometers per hour (kph), bumagal ito sa 15 kph na lang at posibleng taluntunin ang hilagang bahagi ng Leyte, Cebu, at Panay Island, saka dadaan sa Sulu Sea at Palawan, bago tuluyang lumabas ng Philippine area of responsibility (PAR) sa Lunes.

Kahapon ng tanghali, namataan ng PAGASA ang bagyo sa 775 kilometro sa silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Lumakas ito sa dalang hangin na nasa 55 kph malapit sa gitna, at bugsong aabot sa 65 kph.

Ayon kay Aldczar Aurelio, PAGASA weather specialist, posibleng itaas ang Signal No. 1 sa Biliran, Eastern Samar, Leyte, Northern Samar, Samar, Southern Leyte, Surigao del Norte, at Dinagat Islands nitong Miyerkules ng gabi.

-Beth Camia At Ellalyn De Vera-Ruiz, ulat ni Jun Fabon