PUMUTOK ang butsi ng ilang kasapi ng binuong lupon ng Malacañang, na inatasang magpanukala ng pederal na Saligang Batas. May isang pari pa na halos hamunin si Pangulong Duterte na linawin sa publiko kung ano talaga ang papel at kahalagahan ng kanilang lupon.
Hindi siguro matanggap ng mga naging tagapatnugot na basta isantabi ang ilang buwan nilang pagpapawis na tapusin ang “obrang” konstitusyon, tila nasayang sa kibit-balikat ni Duterte na rebisahin ito sa Mababang Kapulungan, sa pangunguna ni bagong Speaker Gloria Macapagal Arroyo.
Ang problema kasi, akala nila ay sila na ang Kongreso! Matatalino naman kung ituring, subalit hindi ba nila matanggap na panukala lang ito? At kailangan idaan sa tamang proseso, na Senate at Lower House ang may kapangyarihang magpanday sa mga pagbabago o pagpapalit ng Konstitusyon. Sa totoo lang, mahabang proseso, talastasan at pagpapaliwanag bago pa matanggap, malunok at maintindihan ni Juan de la Cruz ang sistemang pederal. Huwag na natin banggitin na maraming gobernador, kasama ang lahat ng opisyal sa barangay, ang mawawalan ng kapitolyo at barangay hall! Kaya, bakit nga naman nila ikakampanya ang pederalismo kung mawawalan sila ng trabaho? Para sa akin, apat na panukala lang ang kailangan itulak ni Pangulong Duterte. Bagay na matagal ko nang sinusulong at tiyak ay madaling maunawaan ng sambayanan. Sigurado pang ikakampanya ang mga ito ng mga pulitiko; 1) Ibalik sa apat na taon ang termino ng mga lokal na opisyal, kasama mga barangay; 2) Ibalik din sa apat na taon ang termino ng mga congressman, limitado sa 12 taon katulad sa mga senador; 3) Kada halalan sa Senado, walo lang dapat ang maaring tumakbo; at 4) Ibalik sa apat na taon, na may re-election, ang presidente ng Pilipinas o walong taon kung muling mahalal. Batay ito sa natutuhan kay Manuel Quezon, na ang apat na taon ay maaaring tiisin kung palpak na pangulo ang nakaupo.
-Erik Espina