Iloilo solon, amang mayor kinasuhan na
Sinampahan ngayong Huwebes ng mga kasong kriminal at administratibo si Iloilo 1st District Rep. Oscar "Richard" Garin, Jr.at ama nitong si Guimbal, Iloilo Mayor Oscar “Oca” Garin, Sr., kaugnay ng pambubugbog ng mga ito sa isang pulis, kamakailan.
Ito ay matapos silang ipagharap ng kasong slight physical injuries, slander by deed, direct assault upon an agent of authority, grave coercion, serious illegal detention, at scandal sa Office of the Ombudsman-Visayas, ngayong Huwebes.
Bukod dito, sinampahan din ang mag-ama ng reklamong grave misconduct, oppression, abuse of authority, conduct unbecoming, and conduct prejudicial to the best interest of public service sa kasong administratibo.
Ang kaso ay isinampa ng Iloilo Police Provincial Office (IPPO).
Nag-ugat ang kaso nang bugbugin ng dalawa si PO3 Federico Macaya, Jr., matapos umanong magalit ang mag-ama sa pagkabigo ng nasabing pulis na kasuhan ang anak ng isang konsehal sa lugar na sangkot sa isang kaguluhan sa town plaza ng Guimbal sa nasabing lalawigan, kamakalawa. Tara Yap