LUMABAS sa pahayagan ang paid advertisement na nagsasaad ng ganito: “FOR BETTER PUBLIC APPRECIATION. Contrary to allegations, the Road Board does NOT control The Motor Vehicles Users’ (MVUC) Fund.” Hindi nakahayag kung sino ang naglabas ng nasabing advertisement. Pero base sa nilalaman nito, ang pinagmulan nito ay iyong pabor na manatili ang Road Board. Kasi, tagatanggap lang daw ito ng kahilingan na mapondohan ang proyekto. Limitado lang daw ang kapangyarihan nito sa paggamit ng pondo para sa karapat-dapat na proyekto na pinag-aralan at inendorso ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DoTr). Minomonitor nito, aniya, ang kalagayan ng proyekto, pagpopondo at paghahanda ng paulit-ulit na ulat. Ang Road Board daw ay walang karapatan sa batas na magpanukala o gumawa ng kanyang sariling proyekto.
Pero, bakit pinagkaisahan noong una ng Kamara at Senado na buwagin ang Road Board dahil sa isyu ng kurapsyon? Ngayon naman, nais bawiin ng Kamara ang kanyang pagpapatibay sa layuning ito. Ayon kay dating Speaker Pantaleon Alvarez, napakalaking pondo ito bilang pork barrel. Mga proyektong pinaglaanan ng motor vehicles users fund, tulad ng cat-eye reflector, metal railings at asphalt overlay ay ino-overprice sa napakalaking halaga. Sa pakikipagsabuwatan sa mga kongresista ng kanilang distrito, sila ay binagsakan ng proyekto, at mangongolekta ngayon ang Road Board sa pinaboran nitong kontratista. Kumokolekta ito sa kanyang piniling kontraktor ng 30 hanggang 40 porsyento ng halaga ng proyekto bilang komisyon. Bilyong piso, aniya, ang kinukuha sa pondo ng Road Board. Ang mga kongresista ang nagsasabi kung anong proyekto ang gagastusan ng road users tax. Samantala, may nakahanda nang listahan ng mga kontraktor ang Road Board na pagpipilian para bigyan ng proyekto. Ayon din kay Alvarez, ang mga murang proyekto ay pwedeng lumobo hanggang 500 milyong piso na pagkukunan ng kickback. Pero, higit na malaki raw ang kickback na makukuha ng mga lider ng Kamara dahil sa kanila nakasalalay ang buhay ng Road Board.
Ayon din kay Alvarez, ang may akda ng pagbawi sa naipasa nang pagbubuwag sa Road Board ay si Minority Leader Danilo Suarez na siyang namuno noon ng ahensiya noon gang Pangulo ay si Speaker Gloria. Siya ngayon, aniya, ang humihiling na manatili ang Road Board kahit sinasabi na ng Senado at Ehekutibo na dapat na itong buwagin.
Nitong nakaraang Biyernes, sa seremonya ng pagpapalit ng lider ng Philippine Air Force sa Villamor Air Base, sinabi ng Pangulo na noon pa man ay kinukuwestiyon na niya ang Road Board dahil ito ay “depositary of money for corruption” lang umano. Pumapanig siya sa Senado sa pagnanais nitong mabuwag na ang Road Board, dahil ang kinikita sa road user’s tax ay naging gatasan ng mga corrupt officials.
Pero, sa halip na marinig natin sa Pangulo ang maaanghang na salita, dahil ayon sa kanya ay kinamumuhian niya kurapsiyon, ganito ang kanyang nawika: “Panahon na para buwagin ito. Kapag pumanig ako, na pumapanig naman ako sa Senado, baka magkaroon na naman ng constitutional issue or crisis. Sana hindi na. Hindi ko gustong sabihin ito, pero, please kung sa kabutihan ng taumbayan, ituloy na natin at i-abolish na.” Sana ganito rin ang Pangulo sa lahat, kalaban man o kaalyado.
-Ric Valmonte