TOTOO ba o pagbibiro lang (joke only) ang banta ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa New People’s Army (NPA) na dadanak ng dugo (blood will flow) bunsod ng patuloy na pananalakay, pagtambang at pagpatay sa mga kawal, pulis at sibilyan? Nangako si Mano Digong na tutuldukan niya (hindi tuldok-kuwit o comma) ang rebelyon sa loob ng kanyang termino (2016-2022).

Noong Huwebes, ganito ang banner story ng isang English broadsheet: “Rody warns NPA: Blood will flow.” Mula sa Davao City na kanyang comfort zone, sinabi ni PDu30 sa harap ng pulong ng barangay officials ng Region 11 na ginanap sa RMC-Petro Gazz Arena noong Martes: “Lulutang tayo dito sa dugo.Wala akong ibang choice. Ayokong gawin ito pero pinipilit ninyo ako.”

Kinutya pa niya at minaliit ang NPA, ang armadong sangay ng Communist Party of the Philippines (CPP), na ipinundar ng dati niyang propesor na si Joma Sison. “Kailangang pigilan ko ito. Kailanman ay hindi ninyo (CPP-NPA) maitataob ang gobyerno kahit sa loob ng isang bilyong taon,” matapang na pahayag ng ating Pangulo.

Sinabi ni Pres. Rody na hangarin ng mga komunista na ibagsak ang Republika, pero hindi niya ito papayagan. Sa wikang Bisaya, sinabi niya: “One day, haruson ko ng tanan (I will get all of you)”. Kung matutukoy lang daw niya ang mga NPA at maba-validate niya ito sa militar at pulis, “dalawa o tatlong araw ubos ‘yan. Lulutang tayo sa dugo.”

Bulong sa akin ng kaibigan: “’Di ba ganyan din ang banta niya sa Abu Sayyaf Group (ASG) na ipapupulbos niya sa AFP at PNP ang tulisang grupo?” Hanggang ngayon ay buhay, masigla at gumagana pa ang ASG sa Basilan at Sulu. Nais pa yata ni PRRD na makipag-usap sa ASG.

oOo

Nagtatanong ang Malacañang kung sino ang “bully” na pinatutungkulan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang homily sa unang araw ng Simbang Gabi sa Manila Cathedral. Ayon kay Cardinal Tagle, hindi dapat gamitin ang kapangyarihan para mam-bully, manakot, manggipit at mambastos ng kapwa-tao.

Marahil ay “felt alluded to” wika nga sa English, sinabi ni Pres. Rody kay Tagle: “When did I threaten you”? Sa harap ng mga puno ng barangay sa Davao City noong Martes, sinabi niya na isang pari raw ang nag-wish na siya ay mamatay sa isang misa noong Setyembre bilang pagsuporta kay Sen. Antonio Trillanes IV.

Kung nagbibiro daw ang ating Pangulo, nagbibiro lang din daw si Fr. Noel Gatchalian na sana’y magkasakit si PRRD, ngunit hindi niya hinangad na mamatay ang Presidente. Bilang tugon, sinabi niyang patayin ang lahat ng obispo na inutil.

Si PRRD ay naniniwala sa Diyos (hindi sa Diyos ng Katoliko), pero hindi sa organisadong relihiyon. Ayon sa kanya, inilalarawan daw siya ng mga Katolikong pari na isang demonyo. Itinanggi ito ng Simbahang Katoliko na wala silang iniisyung gayong pahayag.

Samakatuwid, kung mapagbiro ang ating Pangulo, nakatapat siya ng isang mapagbirong pari sa katauhan ni Fr. Gatchalian. Biro versus biro. Hayaan nating ang taumbayan ang humusga kung sino ang maniniwala sa mga biro.

-Bert de Guzman