Lalo pang pinaigting ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbabantay sa mga pantalan bilang bahagi ng Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2018 ilang araw bago ang Pasko.
Tiniyak ni PCG Spokesman Capt. Armand Balilo na mahigpit nilang ipatutupad ang mga kautusan para sa ligtas at maayos na pagbiyahe ng mga barko.
Paiigtingin din ng PCG ang seguridad na pinatutupad ngayon lalo na at ilang araw na lang at Pasko na, kaya naman libu-libo ang pasaherong dumadagsa sa mga pantalan sa bansa.
Nagpakalat din ng 200 K9 dogs ang PCG sa malalaking pantalan, kung saan pinakamarami ang mga pasahero.
Nagpaalala naman si Balilo sa publiko na huwag tangkilikin ang mga kolurum na sasakyang pandagat upang makaiwas sa anumang aberya sa karagatan.
Samantala, sa huling datos ng PCG, bahagya nang nabawasan ang bilang ng mga pasahero simula tanghali hanggang 6:00 ng gabi kahapon, na umabot na sa 71,008 sa malalaking pantalan sa bansa.
Inaasahang totodo ang dami ng pasahero pagsapit ng weekend.
-Beth Camia