DEAR Manay Gina,

Ako po ay may-asawa na. Mahal ko ang mister ko at hindi ko kailanman magagawa na magtaksil. Kaya lang, nagtataka ako kung bakit laging sumasagi sa ‘king isip ang mga ala-ala ng mga dati kong nobyo. Hindi ko naman balak makipagkita sa kanila. Pero, nagtataka ako kung bakit sumasagi sila sa isipan ko?

May paraan ba para matigil ito? Bakit po kaya ito nangyayari?

Leyna

Dear Leyna,

Ang totoo niyan, normal lamang na maalala natin paminsan-minsan ang mga taong naging bahagi ng ating buhay. Gayunman, dahil ikaw ay mayroon nang sariling pamilya at ang ganyang kaisipan ay maaaring makasira sa ‘yong buhay-may-asawa, kailangang iwaksi mo ang mga ganyang bagay. Kung marami kang libreng oras, mag-isip kang gumawa ng bagong aktibidad na hahamon sa ‘yong imahinasyon, gaya ng cooking, painting, gardening at iba pa. Subukan mo ring i–verbalize ang pagmamahal mo sa ‘yong asawa at kung gaano ka kapalad dahil maganda ang inyong pamilya. Kung lagi mong gagawin ang bagay na ito, aabot ka sa puntong, ang tangi mo na lang maiisip ay ang iyong mabait na mister.

Patnubayan nawa ng Panginoon ang inyong buhay may-asawa.

Nagmamahal,

Manay Gina

“Be slow to fall into friendship, but when thou art in, continue firm and constant.”--- Socrates

Ipadala ang [email protected]

-Gina de Venecia