MASAYA ang pagtatapos ng 2018 dahil sa maraming bagay.
Matapos ang buong taon ng walang patumanggang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, tila tapos na ang problemang ito ngayon. Ang tila walang katapusang matitinding bagyo at kalamidad ay tila nagwakas na rin, bagamat nananatili ang cold front na nagdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa. Nag-uumapaw naman sa mga tao ang mga simbahan sa buong bansa sa pagsisimula ng Simbang Gabi nitong Linggo.
Ang huling mga araw ng taon para sa Kamara at Senado ay nagtapos sa patuloy na pagpapalitan ng mga bintang ng kurapsiyon sa paghahanda para sa pambansang budget, ngunit hindi nito nahigitan ang dati nang mga una nang nabunyag. Habang tila binalewala ang mapait na debate hinggil sa pederalismo at ang alegasyon ng pulitikal na manipulasyon.
At siyempre, mayroon tayong bagong international beauty queen—ang ating ikaapat na Miss Universe nasi Catriona Gray ng Oas, Albay.
Ang pagbabalik ng mga kampana ng Balangiga ang nakakuha ng pambansang atensiyon at ikinatuwa ng maraming Pilipino. Una sa lahat, isa itong makasaysayang kaganapan—ang pagpapabalik sa bansa ng mga kampana ng simbahan makalipas ang mahigit 117 taon na kinuha bilang tropeo ng digmaan ng mga Amerikanong sundalo sa digmaang Pilipino-Amerikano sa pagbabago ng siglo.
Sa opisyal na seremonya para sa pagbabalik ng mga kampana sa simbahan ng Balangiga sa Samar, nakiisa si Pangulong Duterte sa mga opisyal ng Simbahang Katoliko na pinamumunuan ng kanyang spiritual adviser, si Davao Archbishop Romulo Valles, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Nakipagkamay din siya sa Papal Nuncio at sa iba pang opisyal ng Simbahan.
Puno ng papuri ang Pangulo sa pamahalaan ng Amerika, na dati niyang sinabihan ng masasakit na salita. “The bells are returnes and the credit goes to the American people and the Filipino people,” aniya. Ang hakbang ng gobyerno ng Amerika “opens a new and vibrant chapter in the two countries’ bilateral relations” Isa itong “milestone in the shared and meaningful history of the United States and the Philippines,” aniya pa.
Ilang linggo na lamang, magsisimula na ang 2019 at umaasa tayo na magpapatuloy ang mataas at positibong pananaw na nasaksihan natin sa mga huling linggong ito. Umaasa tayong mapanatili ng pamahalaan ang tuluy-tuloy na pagbaba ng inflation, masolusyunan ang lahat ng mga problema hinggil sa pambansang budget nang wala ang mga iregularidad na nagmarka sa dating pagdinig sa budget at desisyon, gayundin ang pagkamit ng isang desisyon para sa ating Konstitusyon kung saan patuloy na lalago ang bansa sa kalayaan.
At umaasa tayo na hindi na natin madadala ang poot ng nakalipas sa ugnayan ng pamahalaan sa ilang sektor ng lipunang Pilipino at ng mundo, at higit na positibong diwa na ipinakita sa seremonya na nagmamarka sa pagbabalik ng mga kampana ng Balangiga.