Walang tigil ang dagsa ng mga pasahero sa mga pantalan sa bansa habang papalapit ang Pasko.

Dahil dito, lalo pang pinaigting ng pamunuan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang monitoring nito sa lahat ng pantalan sa bansa para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Simula Lunes ng tanghali ay nakapagtala na ang PCG ng halos 72,000 pasahero sa iba’t ibang pantalan sa bansa.

Sa Western Visayas naitala ang pinakamaraming pasahero, na umabot sa mahigit 15,000, partikular na sa mga pantalan sa Iloilo at Aklan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Sumunod naman ang Southern Tagalog, na dumagsa sa mga pantalan ang mahigit 8,200 pasahero, dahil marami ang bumiyahe sa mga pantalan ng Batangas, Southern Quezon, at Romblon.

Sa Davao Region ay naitala ang mahigit 4,500 pasahero, habang mahigit 7,000 ang bumiyahe palabas ng Northern Mindanao, partikular sa Surigao Del Norte, Misamis Oriental, at Misamis Occidental.

Sa kasalukuyan, sa taya ng PCG ay nananatiling matiwasay at payapa ang sitwasyon sa mga pantalan sa bansa.

-Beth Camia